Hinikayat ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimutu ang lahat ng stakeholders na makipagtulungan sa gobyerno upang malinis ang Manila Bay at mapasama ang mga ito sa makasaysayang proyekto.
“I wish you join us in making history in our country,” sabi pa ni Cimatu sa 200 representante ng 12 ahensiya ng gobyerno na binigyan ng mandamus order ng Supreme Court na linisin ang Manila Bay, mga local government unit at civil society sa ginanap na stakeholders’ meeting na idinaos sa central office ng DENR sa Quezon City.
Pinangunahan ni Cimatu ang pagpupulong kasama sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat.
Ayon kay Cimatu, hindi imposible na maibalik sa dati ang linis at ganda ng makasaysayang Manila Bay kung lahat ng stakeholders ay magtutulong-tulong upang maisaayos itong muli.
“This mission is not impossible. This mission calls for dedication and hard work from all those who will help us in this operation,” sabi pa ng kalihim.
Aniya, ang Manila Bay rehabilitation ay pagtutulungang linisin ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na pamumunuan ng DENR upang muli itong mapaliguan ng mga tao at maibalik sa dating ganda.
Bagama’t isa ang Manila Bay sa hinahangang may magandang tanawin ng sunset, ay napakadumi naman ng tubig nito dahil na rin sa mga duming itinatapon ng factories, toxic mula sa industrial, shipping operations, tambak na basura at iba pa, kaya’t plano ng gobyerno na ibalik ang dating linis ng tubig nito.
Sinabi pa ni Cimatu, ang bahagi ng Roxas Boulevard na magandang tanawin kapag sunset ay dinaig pa ang tubig sa Boracay sa dumi.
Dagdag pa ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakahanda ang gobyerno na ipatupad ang 2008 kautusan ng Supreme Court (SC) na linisin ang Manila Bay at iba pang daluyan ng tubig na karugtong nito.
Sisimulan ng gobyerno ang paglilinis sa Manila Bay sa January 27 ng taong kasalukuyan.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng inspeksiyon si Cimatu sa Estero de San Antonio Abad at maging sa Manila Zoo kung saan ay nadiskubre “untreated” ang tubig na nagmumula sa parke patungo sa Manila Bay.
Iniisa-isa na rin ni Cimatu ang mga establishment sa paligid ng Manila Bay na hindi tumutupad sa environmental laws partikular na ang mga lumalabag sa Philippine Clean Water Act of 2004.
“We expect these establishments to comply. Otherwise, we will do something to them that will bring the message to the Filipino people that this operation is an operation of political will,” sabi pa ni Cimatu.
Aniya pa, “I assure that it will happen. We will not only clean it, we will be able to do something better for our countrymen and for the next generations.”
Itinuturing pa ng kalihim na ang Manila Bay rehabilitation ay isang napakalaking hamon sa kanyang buhay.
Aprubado na rin ng Malacañang ang budget na nagkakahalagang P42.95 billion na gagamitin sa paglilinis ng Manila Bay sa loob ng tatlong taon, partikular na sa mga gagawin ng gobyerno ay ang paglilinis ng mga waterways, relokasyon para sa mga informal settler families, implementasyon ng temporary sanitation facilities at iba pa kung saan ay magiging kasama ni Cimatu sa proyekto si Año na personal na napili ni Pangulong Rodrigo Duterte. ###