Makabuluhan para sa Manila Bay rehabilitation ang pagdiriwang ngayong taon ng World Wildlife Day na may temang “Life below Water: for People and Planet”, na ayon kay Environment Secretary Roy A. Cimatu ay napapanahon para sa rehabilitasyon ng naturang baybayin.
“This year’s celebration reminds us of the importance of the marine life as one of the natural resources that we need to sustain, thus giving us more reasons to continue the ongoing efforts to save Manila Bay and other bodies of water in the Philippines,” ayon kay Cimatu.
Noong nakalipas na Enero 27 nang ilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasama ng ilang government agencies at local units ang cleanup at rehabilitasyon ng Manila Bay.
Dahil dito, ilang establisiyamento na ang nabigyan ng cease and desist orders, notice of violations at show cause orders dahil sa pagtatapon ng “untreated wastewater” sa Manila Bay.
Ayon kay Cimatu, masigasig ang gobyerno sa ginagawang rehabilitasyon upang maibalik ang kalidad ng tubig nito para paglanguyan at iba pang aktibidad sa tubig, pati na ang pangingisda dito at muling maging “wetland area”.
Aniya, ang World Wildlife Day 2019 at Manila Bay rehabilitation ay kapwa nakalinya para sa “Sustainable Development Gold 14-Life Below Water”, na nakapokus sa marine species.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng mga aktibidad ang DENR para sa World Wildlife Day 2019 na ipagdiriwang ngayon mula Marso 2 hanggang 5. Kabilang sa mga aktibidades ang mural painting ng marine wildlife, art exhibit ng Benham Rise at Tubbataha Reef, film showings, awarding ceremonies at forum ukol sa marine wildlife at proteksiyon nito.
Sinabi naman ni Director Crisanta Marlene Rodriguez ng Biodiversity Management Bureau ng DENR, ang gaganaping selebrasyon ngayong taon ay magsisilbing uportunidad upang muling maibalik ang pagpapahalaga sa environmental laws at maitanim sa isipan ng kabataan ang halaga ng marine species.
Dagdag pa ni Rodriguez, maglalabas ng “joint administrative order” ang DENR, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture at Department of Tourism na maglalaman ng mga alituntunin tungkol sa Marine Wildlife Interaction.
Aniya, nakipag-tulungan na rin ang DENR sa United States Agency for International Development-Protect Wildlife Project para sa 6th Wildlife Law Enforcement Award na kumikilala sa mga indibidwal na patuloy na sumusuporta sa naturang ahensiya sa pagpapatupad ng mga probisyon ng Republic Act 9147 o mas kilala sa tawag na Wildlife Act of 2001.
Noong mga nakalipas na taon ay ipinagkaloob ng DENR ang 300 awards sa iba’t-ibang enforcement partner agencies, civil society organizations at private individuals.
“The awarding ceremony will also serve as a venue for the DENR to call for a stronger support and greater commitment for each of the awardees and their respective institutions to curb illegal wildlife trade,” sabi pa ni Rodriguez.
Magkakaroon din ng 4th National Wildlife Quiz Bee sa hapon na humihikayat sa mga estudiyante upang magkaroon ng atensiyon sa wildlife at kamalayan sa Philippine wildlife conservation.
Kabilang sa mga lalahok sa kompetisyon ay ang mga grade 9 students mula sa public high schools sa National Capital Region, Region 3 at CALABARZON region kung saan ay naging katuwang sa patimpalak na ito ang US Department of Interior, International Techinical Assistance (USDOI-ITAP) at agn USAID-Protect Wildlife Project.
Sa tulong na rin ng USAID-Protect Wildlife Project, ay magkakaroon ng “ceremonial awarding” ng limang thesis at dissertation projects para sa biodiversity conservation mula sa University of the Philippines-Diliman, University of the Philippines-Los Baños at University of Santo Tomas. ###