Binuwag ng isang inter-agency task force ng gobyerno nitong Martes ang pasaway na establisimyento sa Boracay na nabigong gibain ang kanilang ari-arian na lumabag sa 30-meter easement rule, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Hindi na nagdalawang-isip pa ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na pinamumunuan ng DENR na gibain ang establisimyento ng Boracay Plaza Beach Resort matapos magbigay ng 15 araw na palugit. Ang naturang resort ay may mga istrakturang nakatayo sa mahigit-kumulang1,000 square meter na nakapaloob sa easement zone.
Maliban sa Boracay Plaza napag-aari ng isang nagngangalang Anita Aguirre ay sumunod naman sa ibinigay na palugit ang ibang establismyento at kusang giniba ang kani-kanilang mga istraktura matapos mabigyan rin ng “warning” ng BIATF dahil narin sa kanilang paglabag.
Ang ibinigay na “ultimatum” ay binanggit ni DENR Secretary Roy A. Cimatu sa ginanap na pulong ng task force nitong nakalipas na Pebrero 28.
“Erring establishments had already been given more than enough time to shape up since the closure,” anang Cimatu.
“It would be unfair to those who voluntarily demolished and complied with the easement rule if we will not enforce the law to those who did not,” dagdag pa nito.
Bukod sa paglabag sa ipinatutupad na “easement rule”, napatunayan din na walang kaukulang permiso ang Boracay Plaza para makapag-operate.
Tatlong beses na ring nabigyan ng kautusan ang Boracay Plaza na kusang i-demolish ang establismyento ngunit binalewala lamang ito ng may-ari. Ang una ay noong Abril 26 ng nakalipas na taon nang pansamantalang isinara ang Isla ng Boracay ng anim na buwan para sa rehabilitasyon.
Ang ginawang demolisyon ay pinangunahan nina BIATF management group General Manager at DENR Director Natividad Bernardino, kasama sina Aklan provincial police chief Senior Supt. Lope Manlapaz, Malay Acting Mayor Abram Sualog, mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT), at mga abugado ng DENR.
Iniulat ni Bernardino na siyam na iba pang establisimyento na nabigyan ng 15-day ultimatum noong March 4 ang kusang nag-demolish ng kanilang istraktura habang ang iba ay nagsisimula na ring gibain nang kusa ang kanilang ari-arian.
Ang naturang siyam ay ang Blue Lilly Hotel, Calveston International Inc., Exclusive Dawn VIP Boracay Resort, Little Prairie Inn, New Wave Divers, Steve’s Cliff/Boracay Terraces Resort, True Homes, Watercolors Dive Shop at Willy’s Rock Resort.
Ang sampung establismyento kabilang ang Boracay Plaza ang mga natitirang istraktura sa tinatawag na “White Beach” na kailangang gibain upang tuluyang maipatupad ang 30-meter beach easement law. ###