Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi magiging imposible ang gagawing paglilinis sa Manila Bay kung makikipagtulungan ang mamamayan sa rehabilitasyon nito.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, ang kakulangan ng disiplina ng mga Filipino ang dapat na tutukan upang maging matagumpay ang gagawing paglilinis sa Manila Bay.

“Iisa lang ang nakikita naming balakid: ang kakulangan ng disiplina ng taumbayan,” sabi pa ni Antiporda sa panayam. “Ang kailangan natin ay disiplina.”

Aniya, “We are not only cleaning up the bay. Nililigtas natin ang isang bagay na mamamatay dahil kung hindi ay mas maraming mamamatay na tao.”

Noong 2008 nang maglabas ng “mandamus” ang Supreme Court (SC) na nag-uutos sa DENR at 12 pang government agencies para linisin, i-rehabilitate at pangalagaan ang Manila Bay upang maibalik sa dati ang malinis nitong tubig na maaaring paliguan at iba pang gawain.

Nagtaka si Antiporda kung bakit hindi naging matagumpay ang pagsisikap ng mga naatasang ahensiya ng gobyerno mahigit sampung taon na ang nakalilipas mula ng ilabas ang kautusan ng SC.

Sinisi ng opisyal ang hindi maayos na koordinasyon ng bawat ahensiya kaya’t nabalewala ang kanilang pagsisikap na linisin ang Manila Bay.

Sa pagkakataong ito, tiniyak ni Antiporda na sa tulong at tamang koordinasyon ng iba pang ahensiya ng gobyerno at sa pagbibigay na rin ng suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang batas upang sumunod ang mga local government units para sa environmental protection ay magiging maganda ang resulta ng gagawing rehabilitasyon sa Manila Bay.

Sabi pa nito, may mga plano na ang DENR upang mapadali ang gagawing paglilinis sa tubig ng Manila Bay.

Kasabay nito, nilinaw din ni Antiporda na ang pakay ng DENR sa Manila Bay ay linisin ito at pangalagaan ang karagatan at hindi ang tanggalan ng hanapbuhay ang mga residente sa paligid nito.

“Ang DENR ay hindi berdugo. We are here to prevent pollution from making it into the sea,” dagdag pa ni Antiporda. ###