Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na hindi pa ligtas paliguan ang Manila Bay dahil sa mataas nitong fecal coliform bacteria sa tubig.
“Bathing in Manila Bay can expose people to high levels of fecal coliform bacteria, which could increase their chances of developing illnesses,” pahayag ni DENR Secretary Roy A. Cimatu.
Ayon kay Cimatu, noong Enero 28, isang araw matapos ang paglulunsad ng rehabilitasyon ng Manila Bay ay nakapagtala ang water monitoring stations na nakalagay sa tabi ng baybayin na umabot sa 35 million most probable number (mpn) kada 100 milliliters ang tubig sa Rajah Soliman outfall (Station 5).
Naglagay ng walong water quality monitoring stations ang Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR sa kahabaan ng Roxas Boulevard mula sa United States Embassy hanggang sa Manila Yacht Club.
Sa isa pang sampling station sa Padre Faura drainage outfall (Station 2) ay nakapagtala ang DENR ng 7.9 million fecal coliform count mpn/100ml.
Base sa pag-aaral, ang standard coliform level sa lahat ng coastal waters na ligtas paliguan at iba pang aktibidad sa tubig ay 100 mpn/100ml.
Naglabas ng babala ang kalihim ng DENR nang makuhanan ng larawan ang napakaraming tao kabilang ang mga bata na naliligo sa tubig dagat sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Manila matapos ang paglulunsad ng cleanup activity at malawakang rehabilitasyon na tinaguriang “Battle for Manila Bay”.
Matapos ang isinagawang cleanup drive na dinaluhan ng mahigit 5,000 volunteers na nagtulong-tulong para sa panimulang paglilinis ng Manila Bay ay naging viral na sa social media ang naturang karagatan dahilan upang dayuhin ito ng maraming tao ngunit nilinaw ng kalihim na ang ibabaw pa lang ng tubig ang nalilinis.
“We have not yet gotten rid of pollutants such as those from untreated wastewater being discharged into the bay, so we strongly advise the public, especially children, to refrain from swimming in the bay for now,” sabi pa ni Cimatu.
Ang iba pang water sampling sa ibang stations sa kahabaan ng Baywalk ay ang sumusunod: Station 1 (tabi ng US Embassy) 3,100 mpn/100ml; Station 3 (harap ng Diamond Hotel) 7,900 mpn/100ml; Station 4 (Carpel Shell Export and Museum) 2,400 mpn/100ml; Station 6 (harap ng Metrobank malapit sa Grand Hotel, 2,400 mpn/100ml; Station 7 (harap ng Admiral Hotel) 3,300 mpn/100ml at Station 8 ( kabila ng Quirino Avenue stoplight) 13,000 mpn/100ml.
Maging and Department of Health (DOH) ay nagbabala rin sa publiko na hindi pa ligtas paliguan ang Manila Bay dahil delikado pa ito sa kalusugan ng mga taong magtatampisaw sa tubig nito.
Kabilang sa mga sakit na maaaring makuha sa tubig na may mataas na fecal coliform counts ay ang typhoid fever, hepatitis, gastroenteritis, dysentery at ear infections.
Sinabi pa ni Cimatu, ang pinakamalaking hamon sa paglilinis ng Manila Bay ay ang pagtukoy sa pinanggagalingan ng maruming tubig tulad ng sewage at untreated wastewater na direktang itinatapon sa tubig dagat o kaya naman ay pinadadaan sa iba pang daluyan ng tubig patungo sa baybayin.
Matatandaan na iniulat ng DENR na ang coliform level ng tubig sa Manila Bay ay umabot na sa 330 million mpn/100ml, mas mataas ng 3.3 milion per cent sa kailangang standard.
Namonitor din ng EMB ang napakataas na coliform counts ng 11 outfalls draining sa Manila Bay noong 2018.
Halimbawa na dito ang Estero San Antonio de Abad outfall sa may bahagi ng Manila Yacht Club kung saan naitala ang 1.36 billion mpn/100ml sa tubig nito.
Ang fecal coliform ay isang bacteria na nanggagaling sa fecal material na nagmumula sa tao at hayop. Napupunta ito sa tubig sa pamamagitan ng direktang pagtatapon sa tubig dagat o kaya naman ay ang pag-apaw sa imbakan ng dumi at ang presensiya ng fecal coliform sa alinmang daluyan ng tubig ay matatawad na kontaminado.
Noong 2008 nang maglabas ng mandamus (puwersahang pagpapatupad ng batas) ang Supreme Court (SC) na nag-aatas sa DENR at 12 pang ahensiya ng gobyerno na ibalik sa dati ang linis ng tubig sa Manila Bay sa class SB level.
Ang class SB level ay ang basehan upang masabi na malinis ang coastal at marine waters at maaari itong gamitin ng tao tulad ng pagligo at iba pang aktibidad sa tubig at ginagamit din itong itlugan ng bangus at iba pang uri ng isda. ###