Noong ika-19 ng Pebrero ay naglabas ng pahayag ang Masungi Georeserve Foundation hinggil sa pag-atake ng mga indibidwal na nauugnay sa mga ilegal na resort sa Upper Marikina Watershed sa kanilang pitong “rangers” na anila ay kumakain lamang sa isang karinderya sa ganap na ika-11:30 ng umaga noong ika 18 Pebrero. Sa inilabas na video ng Masungi, inireport sa pulis ng mga residente ng Upper Marikina ang mga rangers ng Masungi dahil sa hinihinalang baril sa loob ng bag na dala dala ng mga ito. Subalit hindi ito napatunayan ng mga pulis dahil walang search warrant. Dahil sa kakulangan ng ebidensya, minabuti ng mga rangers ng Masungi na umalis na sa lugar na kung saan nagsimula ang gulo at pag-atake.
Ganap na ika-4 ng hapon ng araw na iyon, nagtungo ang tauhan ng PENRO Rizal upang magsagawa ng imbestigasyon ukol sa kaganapan. Ayon sa spot report, ibinahagi ng isang residente ang pinagmulan ng kaguluhan. Batay sa kanyang pahayag ay may apat na empleyado ang Masungi Georeserve na naglalakad sa San Roque Road na may dala dalang sako na siyang pinaghihinalaan ng mga residente na naglalaman ng baril. Pinalibutan di umano ng mga residente ang mga rangers ng Masungi at inambang kukuhanin ang sako na siyang nagsimula ng gulo at pag-atake sa mga rangers. Agad ding tinawag ng mga residente ang mga pulis na siyang nag-imbestiga sa pangyayari. Dahil sa kakulangan ng search warrant ay bigong napatunayan ng mga residente ang nilalaman ng sako. Tumangging paalisin ng mga residente ang mga rangers ng Masungi, na siyang nagsimula ng panibagong gulo. Sa tulong ng mga pulis ay nakaalis ang mga rangers ng Masungi sa lugar.
Sa kabilang banda, bago ang pangyayari, ay naroon ang ilang miyembro ng Protected Management Board (PAMB) ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape upang magsagawa ng ocular visit at monitoring ng isang lugar sa loob ng Masungi Georeserve. Ngunit hindi pinayagan ng Masungi Georeserve ang hiling ng PAMB na makapasok sa lugar dahil sa kakulangan ng clearance mula sa Masungi Georeserve management. Ayon sa pahayag ng mga miyembro ng PAMB ay hinarang din ang kanilang sasakyan ng isang itim na sasakyan na walang pagkakakilanlan. Dahil dito ay minabuti ng PAMB na magtungo na lamang sa susunod na site na hindi sakop ng Masungi Georeserve. Ang insidenteng ito ay hindi kumpirmadong kaugnay ng sumunod na kaguluhan ngunit patuloy ang pakikipagtulungan ng DENR CALABARZON sa Philippine National Police para sa masusing pag-iimbestiga. Kasalukuyang tinututukan ng Departamento ang lugar at patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang environmental protection agencies.
Mariing kinukundena ng DENR CALABARZON ang mga pag-atake sa mga environmental defenders. Noong 2021 ay matatandaang nilagdaan ng dating kalihim ng
DENR, Roy A. Cimatu, and Administrative Order No. 2021-28 tungkol sa paglikha ng Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS) na siyang tututok sa pagpapalakas ng environmental law enforcement sa bansa. Nagbigay na rin ng kautusan ang DENR OIC-Secretary Jim O. Sampulna sa Regional Executive Director ng CALABARZON, Nilo B. Tamoria, sa patuloy na pagmonitor at pag-imbestiga sa pangyayari. Kasalukuyan pa ring nakabantay ang PENRO Rizal sa Upper Marikina. ###