Makaaasa ang mga Pilipino na malaki ang posibilidad na maging mercury-free ang Pilipinas sakaling maratipikahan ang Minamata Convention on Mercury.
Ito ang naging mensahe ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa ginanap na Minamata Initial Assessment (MIA) report
sa Quezon City noong Miyerkules (Marso 20) na binasa ni Undersecretary Atty. Jonas R. Leones.
Ang naturang report na inihanda ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR ay nagbabalangkas sa mga pangangailangan para sa implementasyon ng Minamata
Convention.
Umaasa si Cimatu na ang MIA report ang maging susi upang masimulan ng Pilipinas ang pagiging “mercury-free lifestyle” para sa mas ligtas na kapaligiran.
“Once it ratifies the convention, the Philippines will be protected from being a dumping ground for products containing mercury and will help avoid further risk to the
country’s aquatic life, where mercury levels have been increasing,” dagdag ni Cimatu.
Ang Minamata Convention ang kauna-unahang hakbang upang maihinto ang paggamit ng mercury na isang nakalalasong kemikal na posibleng maging banta sa pagkasira
ng ating kapaligiran at makaapekto sa kalusugan ng mga tao.
Noong 2013 ay isa ang Pilipinas sa 128 na bansa na lumagda para sa “convention” na layuning magkaroon ng regulasyon sa paggamit at pag-angkat ng mercury.
Kinuha ang pangalang Minamata sa isang lungsod sa Japan kung saan ay libong katao ang naapektuhan dahil sa paggamit ng nakalalasong kemikal noong 1950s.
Ang MIA ay iniatas ng kapulungan upang makabuo ng baseline report na makatutulong sa bansa na tugunan ang paggamit ng mercury kapag ang kasunduan ay
naritipakahan na ng Senado at ang mga probisyon dito ay maipatupad.
Base sa MIA report, ang pangunahing pinanggagalingan ng mercury sa bansa ay mula sa mga aktibidad ng mga tao partikular na ang labis na paggamit ng “energy sources” na
sinundan ng produksiyon ng mga tinatawag na “virgin metal” kabilang na dito ang pagmimina ng ginto at ang pagkuha ng minerals na nagiging dahilan upang dumumi at masira
ang kapaligiran.
Ang mercury inventory ay isa sa mga importanteng paraan upang mabawasan ang epekto ng mga toxic pollutants sa kapaligiran.
Lumalabas sa ulat na apat na lugar sa bansa ang kumpirmadong kontaminado ng mercury kabilang na dito ang Palawan Quicksilver Mines, Mambulao River sa Camarines
Norte, Mabuhay Vinyl sa Lanao del Norte at Lumanggang Creek sa Compostela Valley.
Pinaghihinalaan din na posibleng kontaminado na ng mercury ang labing-isang lugar sa bansa na kinabibilangan ng Mercauayan River, Manila Bay, minahan sa Camarines Norte
at Masbate, landfills sa Barangay Inayawan sa Cebu City, Consolacion sa Cebu province, Naboc River sa Davao at T’boli sa South Cotabato.
Ang iba pang lugar na pinaghihinalaang kontaminado ng mercury ay ang Agusan del Sur sa Caraga region, Bulawan Mine ng Philex Gold sa Negros Occidental, munisipalidad ng
Sipalay at Hinoban sa Negros, Sitio Dalicno sa Itogon, Benguet at ang munisipalidad ng Licuan-Baay sa Abra.
Nakasaad pa sa MIA report na ang Pilipinas ay sumusunod sa Article 16 ng convention na tumutukoy sa kalusugan. Noong 2008 nang maglabas ng Administrative Order
No. 2008-021 ang Department of Health (DOH) na nag-uutos na tanggalin ang mercury sa lahat ng health care facility at institutions sa bansa.
Upang matiyak ang implementasyon ng Minamata Convention, inirekomenda sa ulat ang pagbuo ng inter-agency coordinating group na binubuo ng “mercury focal points” mula
sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno at private agencies na pamumunuan ng DENR.
Inirekomenda rin ang pag-aaral sa mga kasalukuyang polisiya at regulasyon sa paggamit at pangangasiwa ng mercury bukod pa rito ang pagkakaroon ng batas na susuporta
upang maipagbawal ang pagmimina ng mercury sa bansa base na rin sa pagsunod sa Article 3 ng Minamata Convention on Mercury.
Nagbabala na rin ang World Health Organization (WHO) na maaaring makapinsala ang mercury sa ating nervous, digestive, respiratory, endocrine at immune systems.
Maaari din nitong maapektuhan ang ating pandinig, paningin, magdulot ng pagka-paralyse, maapektuhan ang ipinagbubuntis at paglaki ng mga bata. ###