Muli na namang ipinakita ng Pilipinas na hindi nila tatantanan ang paglaban sa illegal wildlife trade hanggang sa tuluyang maubos ang mga ito matapos ang dalawang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakasagip sa mga buhay na wild animals at pagkaaresto sa may kagagawan ng krimen.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu, Abril 8 nang masagip ng mga tauhan ng Philippine Operations Group on Ivory and Illegal Wildlife Trade o Task Force POGI ang mga buhay na exotic animals sa Mati City, Davao Oriental na aabot sa halagang P50-million na nagmula pa sa Indonesia.
Matatandaan din na kamakailan nang masakote ng Bureau of Customs ang 700 buhay na tarantula na may halagang P310,000 sa Ninoy Aquino International Airport na naging dahilan ng pagkakaresto sa dalawang katao kabilang na ang consignee ng shipment na nagmula sa Poland.
Sinabi pa ni Cimatu, hindi magbabago ang paninindigan ng gobyerno upang mabigyan ng proteksiyon ang wildlife at mahinto ang illegal trafficking at maaresto ang nagbebenta ng wildlife species.
“The Philippines is taking illegal wildlife trade seriously,” sabi pa ng dating military chief. “We want to send a clear signal that the country does not tolerate illegal wildlife crime, trafficking and trade that is driving endangered species to the brink of extinction.”
Bukod sa illegal drugs, human trafficking at arms trade, ang illegal wildlife trade ay pang-apat sa pinakikinabangang krimen sa buong mundo na kumikita ng $23 billion kada taon.
Naging kilala rin ang Pilipinas bilang “consumer”, “source” at “transit point” ng illegal trade ng wildlife at mga produktong nagmumula dito na nagiging dahilan upang manganib ang populasyon ng mga species at maapektuhan ang ating economic development at biodiversity.
Ayon pa kay Cimatu, hindi titigil ang gobyerno sa kampanya nito hanggang mawakasan ang illegal wildlife trade. “ We are not going to stop. The fight against illegal wildlife trade is worth fighting,” anang kalihim.
Noong Hunyo 2013 ay pinangunahan ng DENR ang pagsira sa di bababa sa limang toneladang smuggled elephant tusks gamit ang “road roller”. Dahil dito, ang Pilipinas ang naging unang bansa sa Asya na sumira sa napakaraming ivory stockpile bilang suporta sa pandaigdigang pagsugpo sa illegal wildlife trade.
Nitong nakalipas na Abril 8 nang magsagawa ng operasyon ang Task Force POGI na kinabibilangan ng mga tauhan ng Biodiversity Management Bureau, National Bureau of Investigation at Philippine National Police, sa Barangay Dahican, Mati City kung saan ay nakakumpiska ng 450 species ng ibon, mammals at reptiles kabilang na dito ang endangered na black palm cockatoos (Probosciger aterrimus) at echidna na kapwa nakalista sa talaan ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) Appendix I at II.
Ang CITES ay isang international agreement sa pagitan ng mga gobyerno na layuning matiyak na hindi manganganib ang mga wild animals at plants sa international trade at mai-regulate at hindi maabuso ang mga species na ito.
Nakasaad sa Appendix II ang listahan ng mga species na hindi pa nanganganib ngunit kailangan kontrolin ang pagbebenta upang maiwasan ang kanilang pagkaubos na hindi ayon sa kanilang survival habang nakasaad naman sa Appendix I ang mga species na nanganganib na maubos.
Napag-alaman na ang mga nakumpiskang exotic animals ay ilang linggo nang nakalagay sa naturang lugar para sa safekeeping bago ibiyahe ang mga ito at ibenta sa iba’t-ibang panig ng bansa. Naaresto naman ang dalawang katao na nagsisilbing caretaker ng mga wild animals.
Ang mga naarestong suspek sa tarantula shipment at Indonesian wildlife ay sinampahan na kasong paglabag sa Republic Act 9147 o mas kilala sa tawag na Wildlife Resources and Protection Act na nagbibigay ng parusa sa illegal wildlife trade.
Sa ilalim ng batas, ang pagbebenta, pag-iingat at pagbibyahe ng wildlife species ay maaaring maparusahan ng dalawang taong pagkakabilanggo at pagmumulta ng hindi hihigit sa P200,000. ###