Inatasan ni Secretary Roy A. Cimatu ang lahat ng field officials ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mas maging aktibo at handa lalo na sa tuwing magkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Ang kautusan na ito ay inilabas ni Cimatu matapos ang pananalasa ng Tropical Depression Usman na nagresulta ng flashfloods at landslides na ikinamatay na tinatayang 120 katao sa Bicol region bago magbagong taon.
Dalawang magkasunod na malalakas na bagyo rin ang nanalasa noong 2018 sa Itogon, Benguet at Naga City, Cebu na nagresulta ng landslides habang noong October namay ay nagkaroon din ng parehas na sakuna sa Natonin, Mt. Province.
Ayon kay Cimatu, ang pagkakaroon ng landslides dahil sa matinding pagbuhos ng ulan ay isa sa dahilan ng mapanirang epekto ng climate change kaya’t nararapat lamang na mabigyan ng proteksiyon ang bawat komunidad sa buong bansa.
“It is therefore imperative for the DENR and its field offices to be prepared and responsive to the dangers and adverse effects of excessive rainfall,” nakasaad pa sa memo na inilabas ni Cimatu.
Ang naturang memo ay naka-direkta sa lahat ng DENR regional executive directors, regional directors ng Environment Management Bureau (EMB), Mines and Geosciences Bureau (MGB), at sa mga provincial and community environment and natural resources officers (PENROs/CENROs) sa buong bansa.
Sinabi pa ng kalihim, upang mas maging aktibo at handa ang mga field officials ng DENR ay kinakailangang maging pamilyar ang mga ito sa geohazard maps na nagmula sa MGB kung saan ay nakalagay ang mga lugar na delikado sa pagbaha at landslides.
“With the use and understanding of the geohazard map, the likelihood that we will be able to proactively respond to weather disturbances like typhoon and even mere low pressure incidences causing abnormally high rainfall will be greater,” dagdag pa ni Cimatu.
Ipinag-utos din ng kalihim sa lahat ng field offices ng DENR na maglagay ng kopya ng bagong labas na geohazard maps sa kanilang mga bulletin board habang gusto din nitong masanay ang mga empleyado ng kanyang pinamumunuang ahensiya kung saan ang mga lugar na maaaring magkaroon ng landslides at pagbaha sa kanilang mga nasasakupan.
Pinaalalahanan pa ni Cimatu ang mga field officials na panatilihing bukas ang kanilang mga linya ng komunikasyon para magkaroon ng koordinasyon sa mga local government officials nang sa gayon ay agad na malaman ng mga ito ang mga lugar na maaaring magkaroon ng landslides at pagbaha sa kanilang nasasakupan.
Isa rin sa tungkulin ng DENR field officer ay ang palagiang pagtingin sa kanilang geohazard maps upang agad na matukoy ang mga lugar at komunidad na maaaring makaranas ng landslides at pagbaha.
Nais din ni Cimatu na maging pamilyar ang mga field officials ng DENR sa color-coded danger signs sa geohazard maps at maging ang rainfall warning signals ng ipinalalabas ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).
Pinayuhan pa nito ang mga field officials na maging “physically present” sa kanilang area of responsibilities at palaging dumalo sa mga pulong ng regional, provincial at municipal disaster risk coordinating councils sa tuwing magkakaroon ng masamang panahon.
Ipinag-utos din ni Cimatu ang pagbubukas ng Operation Center sa bawat regional office, PENRO at CENRO na siyang tatanggap ng kautusan mula sa central office ng DENR sa Quezon City at ito ay mamanduhan 24/7 ng mga maaasahang field officials na palaging bukas ang linya ng komunikasyon, maayos na sasakyan at iba pang gamit na kakailanganin sa tuwing magkakaroon ng masamang panahon. ###