Hiniling ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa mga Filipino na mag-isip ng wasto kung paano makatutulong sa pagsalba ng mundo sa kinahaharap nitong ecological problems kasabay ng pakikiisa ng bansa sa pagdiriwang ng Earth Day nitong Lunes (Abril 22).
“We have an obligation to take care of this planet we all share and Earth Day is a great time to start thinking more about the environment and all the little things we can do to makethe world a better place,” sabi ni Cimatu.
Ang pagdiriwang na ito ay tinawag na “largest observance in the world” dahil mahigit isang bilyong katao sa 190 bansa ang nakiisa sa paggunita sa 49 th Earth Day na may tema ngayong taon na “Protect Our Species”.
Ayon kay Cimatu, ang tema ng Earth Day 2019 ay nagpapaalala sa ating lahat na protektahan ang mundo at isalba ang posibleng pagkaubos ng mga endangered species tulad ng Philippine monkey, flying lemur, giant flying fox at tarsier.
Aniya, napapanahon ito matapos ang dalawang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga live wild animals at pagkakaaresto sa mga wildlife criminals na nagpapatunay lamang na pursigido ang Pilipinas sa paglaban sa illegal wildlife trade.
Sinabi pa ni Cimatu na hindi mag-isang responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang kapaligiran dahil kinakailangan din ang pakikiisa ng bawat isa upang maging matagumpay ang mithiing ito.
Dagdag pa ng kalihim, maraming paraan upang makatulong ang publiko sa pagprotekta sa ating kapaligiran katulad na lamang ng pagtitipid ng tubig at kuryente, pagtangkilik sa
malinis na langis, gumamit ng public transport at sumunod sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura.
“Being more environmentally conscious is the right thing to do. Living a more eco-friendly lifestyle could help create a sustainable planet and mitigate the effects of climate
change and global warming,” ani Cimatu.
Gaganapin ang lokal na selebrasyon ng Earth Day 2019 sa Abril 24 at 28. Ang isa sa pagdiriwang na ito ay idaraos sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City na may temang Tayo ang Kalikasan na pangungunahan ng Earth Day Network Philippines Inc. (EDNPI).
Iba’t-ibang aktibidad ang nakalinya tulad ng paglagda sa kasunduan para sa tree planting activities sa pagitan ng DENR at Couples for Christ; paglulunsad sa paghahanap ng model barangays at “green” corporations; on-the-spot painting and poster making contests at ang Earth Day festival bazaar and exhibit.
Sa darating na Abril 28 ay magiging kabahagi ng DENR ang EDNPI at ang National Bicycle Organizations sa gaganaping bike parade, inter-faith prayer rally, advocacy fair at
concert sa Obando, Bulacan kung saan matatagpuan ang isa sa 17 principal river system na dumadaloy patungo sa Manila Bay.
Sabay-sabay ding magsasagawa ng clean-up activities sa mga barangay ng Binuangan, Pag-asa, Salambao at Tawiran. ###