Naglabas ng cease and desist order (CDO) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa municipal government ng Limay sa Bataan dahil sa pagpapatakbo nito ng open dumpsite na mahigpit na ipinagbabawal ng batas sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Base sa dalawang pahinang kautusan na inilabas noong Mayo 7, 2019 na nilagdaan ni Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Unit (LGU) Concerns Benny Antiporda, inaatasan nito si Mayor Lilvir Roque na ipatigil ang operasyon ng dumpsite kasabay ng pagsasagawa ng rehabilitasyon sa naturang lugar.
Ipatatawag naman ni Antiporda si Roque at ang mga miyembro ng Limay Municipal Council na pinamumunuan ng kanilang vice-mayor na si Robert Arvin Roque sa tanggapan ng DENR sa Quezon City upang iprisenta ang kanilang plano para sa pagsasara at rehabilitasyon ng dumpsite.
Inatasan din ang mga ito na dalhin ang lahat ng kaukulang dokumento, clearance at permit para sa naging operasyon ng naturang disposal site.
“Failure to appear in the said meeting and submit the required explanation would mean a waiver on your part and this Office shall resolve the case based on our records in
accordance with the rules,” babala pa ni Antiporda sa mga opisyales ng Limay.
Sa nakasaad sa Section 37 ng RA 9003, “no open dumps shall be established and operated, nor any practice or disposal of solid waste by any person, including LGUs, which
constitutes the use of open dumps for solid wastes, is allowed.”
Ayon pa sa Section 48(9) ng nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapatakbo ng open dumpsite at ang sinumang mahuhuling lumalabag dito ay
pagmumultahin ng P500,000 at karagdagang 10 percent ng kanyang annual income ng nakaraang taon.
Maaari ding sampahan ng administrative case ang mga local at national government official na hindi magpapatupad ng rules and regulations ng RA 9003.
Inihain ang CDO sa tanggapan ni Roque noong Mayo 8 nina DENR-Bataan Provincial Environment and Natural Resources Office Raul Mamac, Dinalupihan (Bataan)
Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Marife Castillo at staff members ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Region 3.
Ayon kay Antiporda, nararapat lamang na ipahinto ang operasyon ng Limay dumpsite upang mapigilang makontamina ang tubig sa Manila Bay na sumasailalim ngayon sa
rehabilitasyon.
“We cannot clean Manila Bay if we allow this,” sabi pa ni Antiporda kasabay ng pagdidiin na maaaring maapektuhan ng dumpsite ang dumadaloy na tubig sa malalapit na body of water.
Ang Limay open dumpsite na matatagpuan sa Barangay San Francisco de Asis I ay malapit lamang sa Mamala River na dumadaloy naman ang tubig patungo sa Manila Bay.
“Masasayang lang ang malaking halaga na gugugulin natin sa paglilinis ng Manila Bay kung mayroong gaya nito,” ayon kay Antiporda na tumutukoy sa basura na tinatayang
may taas na anim na metro na nakatambak sa open dumpsite na may lawak na 7 hektarya at pag-aari ng Limay municipal government.
Ayon kay CENRO Castillo, ang Limay ay may kasalukuyang memorandum of agreement (MOA) sa Metro Clark Waste Management Corp. (MCWMC) na may kaugnayan sa pagsasara at gagawing rehabilitasyon ng naturang dumpsite na nilagdaan noong 2015 at magtatapos sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Sinabi pa ni Castillo na hindi naglalabas ng ulat ang MCWMC simula noong itinakda ang pagsasara at gagawing rehabilitasyon ng Limay dumpsite. ###