Ginawaran ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman, o Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko Antas III sa katatapos na parangal ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko. Layon ng naturang parangal na kilalanin ang mga ahensya ng pamahalaan at mga Lokal na Gobyerno para sa kanilang kagalingan sa paggamit ng wikang Filipino.
Kinilala ang DENR sa kahusayan sa paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang aspeto ng trabaho, kabilang dito ang pagsasalin sa mga press release at nilalaman sa social media, at pagsusulat sa Filipino ng mga opisyal na dokumento at mga materyal para sa inpormasyon, edukasyon at komunikasyon.
“Isang karangalan ang maipagkaloob sa atin ng KWF ang gantimpala na tinaguriang ‘Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko,’” ani Environment Secretary Maria Antonia Loyzaga.
“Ang kagawaran natin ay nakatuon sa pagtulong sa KWF sa pagtiyak at pagpapayabong ng ating pambansang wika. Sa mga kawani, opisyal, at mga kasama ko po dito sa DENR, isa pong paalala: Ang paggamit ng wikang Filipino sana din ay maging sagisag ng katapatan sa bayan, at ng galing at talino sa serbisyo. Sana po huwag nating kalimutan ito.”
Ayon naman kay KWF Chair Arthur Casanova, nakakatulong ang mga pagsisikap ng DENR sa kampanya ng KWF na magkaroon ng istandardisadong Filipino sa anyong pasulat man o pasalita
“Sana po ay hirangan kayo ng iba pang tanggapang pampamahalaan nang sa ganoon ay lubos nating matamo ang tagumpay sa paggamit ng wikang Filipino sa ating mga tanggapan,” dagdag ni Casanova.
Ang taunang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko ay ibinibigay kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika kada Agosto, alinsunod sa Atas Tagapagpaganap 335 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1988. ###