Magtutulong-tulong ang 42 barangays sa isasagawang sabay-sabay na paglilinis sa Tullahan-Tinajeros River System na gaganapin sa Marso 31, 2019 bilang bahagi ng proyektong “Battle for Manila Bay” na pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakatakda ring lumagda sa memoranda of agreement ang DENR at ang mga kapitan ng 42 barangays sa mga lungsod ng Quezon, Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas na
tatawaging “kasunduan”.
Layunin ng kasunduang ito na tuparin ng mga kapitan ng barangay ang kanilang mga pangakong tulong sa paglilinis ng river system kabilang na dito ang pagpapanatili ng malinis na kalidad na tubig, tamang pagtatapon ng basura, information and education campaigns ng water quality at solid waste management, habitat restoration, climate and disaster resiliency.
Ang sabay-sabay na paglilinis ng ilog, sapa, kanal at iba pang daluyan ng tubig ay isasagawa sa mga barangay na nakasasakop sa Tullahan-Tinajeros river system habang
katuwang din sa proyektong ito ang mga private sector partners at iba pang national government agencies na sumusuporta sa gawaing ito.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang isasagawang rehabilitasyon sa river system ay malaki ang magiging positibong epekto sa paglilinis ng Manila Bay.
“These creeks are key tributaries that discharge their wastes to Manila Bay. By ensuring that wastes from both Tullahan and Tinajeros Rivers, and their creeks are addressed, we can expect significant improvement in the Bay’s water quality,” sabi ni Cimatu.
Ang Tullahan-Tinajeros River System ay may habang 27 kilometers na nagmumula sa La Mesa Water Reservoir sa Fairview, Quezon City hanggang sa bunganga ng Manila Bay sa Centennial Park sa Navotas City. Ito rin ang pinakamaruming waterways sa Metro Manila patungo sa Manila Bay.
Kamakailan ay nangako ang San Miguel Corporation ng suporta sa paghuhukay at paglilinis ng naturang ilog. Kabilang din sa mga private sector partners na magbibigay ng
tulong para sa rehabilitasyon ng Tullahan River ay ang North Luzon Expressway (NLEX), Vanson at Boysen Philippines.
Upang makakuha ng atensiyon sa kampanyang ito, ang DENR sa pakikipagtulungan ng ilang local government units at barangays ay magsasagawa ng “community mural painting sa mga piling lugar sa Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela kung saan ay manggagaling ang pintura mula sa Boysen Philippines habang ang paint materials ay magmumula naman sa NLEX, March Resources, Vanson, Innovative Packaging at Amtes Corporation.
Itatampok sa mural painting ang mga gawa ni AG Sano na kilalang mural artist at climate change advocate, magiging katuwang din nito ang mga artists mula sa grupong Art Attack.
Ayon kay Sano, ipapaalala ng mural paintings sa publiko ang kahalagahan ng isinasagawang rehabilitasyon sa mga waterways sa Metro Manila.
Ang nabanggit na cleanup ng mga sapa at daluyan ng tubig sa Tullahan-Tinajeros River System ay proyekto ng DENR sa pakikipagtulungan ng mga national government agencies na kinabibilangan ng Department of the Interior and Local Government; Department of Public Works and Highways; Metro Manila Development Authority, private sector, school at civil society organizations. ###