Nagsagawa ng national conference para sa wildlife forensics ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may layong malabanan ang animal trafficking at iba pang wildlife crimes.
Ginanap ang conference sa Mandaue City noong Hulyo 16-18 kung saan nag sama-sama ang mga kawani ng pamahalaan na bahagi sa pagpapatupad ng wildlife laws.
Ang wildlife forensics ay tumutukoy sa paggamit ng technology at science para sa imbestigasyon at pag-uusig ng wildlife crime.
Ito ay magagamit upang maging tama ang pagtukoy sa pinaghihinalaang wildlife specimens kabilang na dito ang iligal na produkto tulad ng pangolin scales at pinulbos na ground turtle meat.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang tatlong araw na conference ay may layon na suriin ang training design ng wildlife forensics at criminal investigation para sa wildlife enforcement.
“The use of wildlife forensics is now being considered globally as an invaluable tool to combat illegal wildlife trafficking,” pagdidiin pa ni Cimatu.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita ay ang mga eksperto mula sa Biodiversity Management Bureau (BMB), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Partnership for Biodiversity Conservation at Project Wildlife.
Sinabi naman ni DENR Assistant Secretary for Staff Bureaus at BMB Director Ricardo Calderon, na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa University of the Philippines-Institute of Biology para mapag-aralan ang aplikasyon ng wildlife forensics sa bansa.
Aniya, may DNA barcodes ng Philippine biodiversity ang naturang unibersidad na siyang magiging batayan sa pagtukoy ang pag-iingat nito.
“When a wildlife sample arrives in the laboratory, the biologists can compare the DNA sequence and determine its conservation category,” saad pa ni Calderon.
Kasalukuyan ding pinalalakas ang kakayahan ng mga tagapag-patupad ng batas or law enforcers sa wildlife forensics.
Kabilang sa mga dumalo sa conference ay ang mga kinatawan ng DENR field operations offices, Forest Management Bureau, PCSD at DENR regional offices.
Dumalo rin sa conference ang mga delegado mula sa BFAR, Philippine National Police-Maritime Group, Criminal Investigation and Detection Group, Bureau of Customs, National Bureau of Investigation, Philippine Coast Guard, Department of Justice-National Prosecution Service, Office of the Special Envoy on Transnational Crime, School for Investigation and Detective Development, Philippine Center on Transnational Crime at International Criminal Police Organization-Manila Bureau. ###