Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng Manila Bay rehabilitation noong Enero ay isusunod naman na lilinisin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga tributaries o daluyan ng tubig patungo sa Manila Bay kasabay ng isasagawang cleanup activities sa darating na Marso 31.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, layunin ng gagawing massive cleanup sa Manila Bay tributaries, tinawag na “Battle for Rivers and Esteros,” na maisama ang bawat komunidad na magbibigay ng proteksiyon sa kanilang mga waterways.
“We at the DENR are doing this to mobilize community participation through their barangay executives in the cleanup, rehabilitation, education and protection activities in the Manila Bay rehabilitation,” sabi ni Cimatu.
Kamakailan ay pinangunahan ni Cimatu ang ginanap na dayalogo ng DENR sa mahigit 200 barangay officials sa Metro Manila na layuning ipaalala sa mga ito ang kanilang kahalagahan sa isinasagawang rehabilitasyon na binansagang “Battle for Manila Bay”.
Ang isinasagawang rehabilitasyon ay nahahati sa tatlong bahagi, ito ay ang mga sumusunod: cleanup and water quality improvement; relocation and rehabilitation at ang huli ay ang protection and sustainment.
Ayon kay Cimatu, ang unang bahagi ng rehabilitasyon ay kinabibilangan ng paglilinis ng mga esteros and iba pang daluyan ng tubig, pagbaba ng fecal coliform level at ibang discharges mula sa mga establisyemento, implementasyon ng solid waste management at pagpaplano ng relokasyon ng mga informal settlers.
“The first activity will involve the regular conduct of cleanup on garbage and debris, removal of silt by dredging, and introduction of bioremediation, infrastructure improvement and other engineering interventions, such as trash traps and silt curtains,” sabi pa ni Cimatu.
Palalawakin din ni Cimatu ang pagpapalaganap ng reduce, reuse and recycle na kilala rin sa tawag na 3Rs, paghihiwalay sa mga basura at ang pagsasagawa ng information, education and communication activities.
Noong Enero 27 nang ilunsad ng DENR ang tatlong bahagi ng “Battle for Manila Bay” kung saan ay mahigit sa 10,000 katao ang nakiisa sa isinagawang cleanup activity sa Roxas Boulevard sa Manila at iba pang bahagi ng Manila Bay region.
Matapos ang mahigit isang buwan nang ilunsad ng DENR ang rehabilitasyon ay nakapagbigay na ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ng 263 notices of violation at 119 cease and desist orders sa mga establisiyamento sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon na lumabag sa Philippine Clean Water Act of 2004 at iba pang environmental laws. ###