Hiniling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residente ng Metro Manila na patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig kahit na nagsimula na ang rainy season upang maiwasan ang patuloy na pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam.
“Angat Dam can still benefit from the rains falling outside its watershed if these are collected for non-essential uses such as for car washing and flushing of toilets,” sabi ni DENR Secretary Roy A. Cimatu.
Ang panawagang ito ng DENR ay dahil na rin sa kakulangan ng ulan na nararanasan sa 62,300-hectare Angat Watershed Reservation bagama’t nakararanas na ng malalakas na buhos na ulan ang mga naninirahan sa Metro Manila.
Ayon kay Cimatu, sa simpleng pagtitipid ng tubig ay malaki na ang maitutulong upang mabawasan ang demand sa tubig na kinukuha sa Angat Dam. Ang tubig sa Angat Dam, na siyang nagsusuplay sa 96 percent ng mga residente sa
Metro Manila, ay nagmumula sa watershed’s river basin sa mga lugar ng Doña Remedios Trinidad, Norzagaray at San Jose del Monte sa Bulacan.
“We can reduce water wastage by using only what is required. We can also collect and reuse rainwater,” dagdag pa ni Cimatu. Aniya, ang kakulangan ng ulan sa Angat watershed ay dahil na rin sa “monsoon breaks” na base na rin sa paliwanag ng PAGASA ay ang hindi pag-ulan ng ilang araw o linggo dahil na rin sa nagbabagong klima.
Hinikayat din ng DENR chief ang mga local government units (LGUs) sa Metro Manila na magpasa ng ordinansa sa kanilang lugar na nag-aatas sa mga residente na patuloy na magtipid ng tubig. “It is high time that the LGUs pass ordinances geared at water conservation to prevent the water problem from worsening,” sabi pa ni Cimatu.
Aniya, malaki ang positibong epekto ng ganitong ordinansa sa water at food security na isinusulong ng mga national agencies tulad ng DENR, Department of Agriculture (DA), National Water Resources Board (NWRB) at National Irrigation Authority (NIA). “The LGUs have proven themselves how pivotal they are to the success of national environmental programs like the Boracay and Manila Bay rehabilitation,” dagdag ng kalihim.
Aniya pa: “They (LGUs) are again being called upon to take the challenge to lead their constituents practice water conservation. We should all do our part.” Noong Martes (Hunyo 18) ay umabot na sa 161.76 meters ang tubig sa Angat Dam, lampas na lamang ito ng 1.76 meters para sa 160-meter critical level para sa ating domestic water supply.
Huling naranasan ang pagbaba sa 160-meter mark ng tubig sa Angat Dam noong 2010 kung saan ay pumalo sa 157.57 meters ang water level dahilan upang humina ang supply ng tubig sa mga kabahayan. Sa ginanap na press briefing noong Lunes (Hunyo 17), sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David na ilalagay nila ang dam sa Low Level Outlet (LLO) mode sakaling umabot na sa 160-meter mark ang tubig na nangangahulungan ng pagbubukas ng bottom channel ng dam.
Sinabi pa nito, nagsagawa na rin ng pag-aaral kung saan ay magagawang linisin sa pamamagitan ng “treatment” ng dalawang water concessioners na Maynilad at Manila Water ang tubig kapag inilagay sa LLO mode ang dam kaya’t ligtas pa rin itong magagamit ng publiko. ###