Naglabas ng bagong “guidelines” ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mahikayat ang private sector na makibahagi sa Enhanced National Greening Program (ENGP).
Ang ENGP ay isang programa ng gobyerno para sa reforestation sa ilalim ng Executive Order (EO) 193 na inilabas noong 2015. Layunin nito na mataniman ang natitira pang 7.1 milyon ektaryang lupa ng bansa na nanatiling “degraded” at nangangailangan ng rehabilitasyon, simula 2016 hanggang 2028.
Kamakailan ay nilagdaan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu ang DENR Administrative Order (DAO) 2019-03 na nagbibigay ng ilang pagbabago sa EO 193 upang makahikayat ng mas maraming individual or kompanya sa pribadong sector na sumali sa programa.
Ang DAO ay tumutukoy sa mga paraan kung paano makalalahok ang mga private sector sa implementasyon ng ENGP sa nalalabing tatlong taon ng Duterte administration.
Nakasaad sa bagong “guidelines”, ang private sector ay maaaring pumasok sa “private-public partnership scheme” sa pamamagitan ng mga sumusunod: establishment of new ENGP plantations; maintenance and protection of existing plantations; and protection of existing forest outside ENGP areas.
Ang private sector ay maaaring magkaroon ng kasunduan sa mga benipisyaryo ng Community-Based Forestry Management (CBFM) program depende na rin sa layunin ng “establishment” at sa nakasaad sa DENR Memorandum Circular 1998-08.
Maaari namang paunlarin ng mga private entities ang mga napabayaang lugar na nasa ilalim ng ENGP sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MOA) sa DENR.
Pinahaba rin ng DENR sa limang taon, mula sa dating tatlong taon, ang kontrata ng partner-organizations. Sa pamamagitan nito ay mas makatitiyak na mabubuhay ang mga puno na itinanim sa mga nakalipas na taon at mapalaki ang benipisyo ng mga ENGP partners.
Ang ENGP ay bahagi ng National Greening Program na binuo sa pamamagitan ng EO 26 na inimplementa noong 2011 hanggang 2016. Sa anim na taong implementasyon ng nasabing programa ay nakapagtanim na ng 1.3 bilyong seedlings sa 1.7 milyong ektarya ng lupa.
Nakapagtala na rin ng mahigit sa apat na milyong trabaho ang NGP mula sa 558,000 katao sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t-ibang people’s organizations (POs) partikular na ang nasa ilalim ng CBFM program ng DENR.
Target naman ng Duterte administration na makapag-reforest ng 1.2 milyong ektarya ng kagubatan mula 2017 hanggang 2022 base na rin sa nakasaad sa Philippine Development Plan.
Simula noong 2017 hanggang 2018, ang ENGP ay nakakumpleto na ng 335,185 ektarya, nakapagtanim ng 299.2 milyong seedlings at nakapagtala ng kabuuang 715,118 trabaho na napakinabangan ng 112,166 katao.
Para naman sa “long term development”, maaaring mamuhunan ang mga private sectors sa mga sumusunod: establishment of new plantation and/or maintenance and protection of existing NGP plantations through appropriate management arrangement.
Maaari ding mamuhunan ang mga private sectors sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga kagubatan bukod pa sa NGP areas sa pamamagitan ng MOA sa DENR kung saan ay mabibigyan sila ng kaukulang technical assistance mula sa departamento.
Kabilang din sa pagbabago sa ENGP guidelines ay ang tinatawag na Reforestation by Administration (RA), kung saan ay maaaring tumanggap ng mga magtatrabaho na hindi bahagi ng anumang POs ngunit kayang pumasok sa mga lugar na walang POs.
Ang RA scheme ay ipatutupad sa mga “proclaimed areas” at critical watersheds” na hindi sakop ng “tenurial instrument”.
Ayon kay DENR-Forest Management Bureau Director Nonito Tamayo, ang bagong guidelines ay bahagi na rin ng direktiba ni Cimatu na i-audit ang lahat ng ENGP sites upang matukoy kung anong mga lugar ang magkakaroon ng replanting, maintenance at protection.
“The Reforestation by Administration, for example is seen to address the gap in many reforestation schemes that seedlings die within the immediate period because they were planted in areas where there are no organized stakeholders engaged,” paliwanag ni Tamayo.
Tinawag din nitong “very balanced” ang bagong ENGP guidelines dahil parehong makikinabang dito ang lahat ng stakeholders mula sa industriya, civil society, environmental NGOs, local government units and indigenous peoples.
Idinagdag pa ni Tamayo, layunin ng bagong guidelines na mapalaganap ang pagtatanim ng “indigenous species” partikular na sa mga protektadong lugar at watersheds bukod pa sa mga “high-value crops” at mga puno na mabilis tumubo sa kagubatan.
“We will also enhance production forest—part of the forest set aside as timber sources for our local wood requirements,” sabi pa nito. ###