Makikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang San Miguel Corporation (SMC) sa paglilinis ng Tullahan-Tinajeros River System na isa sa mga ilog na nagpapadumi sa Manila Bay.
Sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MOA), magiging katuwang ng DENR ang SMC sa ilalim ng Adopt-A-River program ng ahensiya upang maipatupad ang inilabas ng mandamus ng Supreme Court (SC) para sa Manila Bay clean up.
Noong Lunes nang lagdaan ang MOA sa pagitan nina Secretary Roy A. Cimatu at SMC president at COO Ramon Ang na ginanap sa DENR central office sa Quezon City kung saan ay nagpasalamat ang kalihim sa suportang ibinibigay ng naturang kumpanya upang mabawasan ang polusyon sa ilog kaugnay ng Manila Bay rehabilitation.
“Let me laud and thank [SMC] for heeding the call and joining us on this massive rehabilitation effort to clean up this very important river system,” sabi pa ni Cimatu.
“By working together, we hope to send a stronger message on how committed we are in securing a healthier future for our rivers and creeks that empty into Manila Bay,” dagdag pa ng kalihim ng DENR.
Ayon kay Cimatu, kinakailangang linisin ang Tullahan-Tinajeros River System lalo pa at batay sa DENR Water Quality Status Report, hindi pumasa ang tubig sa ilog sa pamantayan ng physico-chemical para sa Class C waters.
Ang Class C waters ay para sa pagpapalaki at pagpaparami ng isda at iba pang “aquatic resources”; para sa mga gawain sa tubig tulad ng boating, fishing at iba pang kahalintulad nito; para sa agrikultura, irigasyon at livestock watering.
Napag-alaman na ang 59-km Tullahan-Tinajeros River System na nagsisimula sa La Mesa Dam sa Quezon City at dumadaloy patungo sa Centennial Park sa Navotas na bahagi ng Manila Bay ay isa sa pinakamaruming daluyan ng tubig patungo sa naturang baybayin.
Nangako ang SMC ng P1 billion para hukayin at linisin ang river system kabilang na dito ang pagbili ng backhoes, cranes na may claw, dump trucks, barges at langis.
“Work will be done 16 hours a day, six days a week. In two years, the whole 59-km stretch will be clean,” sabi pa ni Ang sa mga mamamahayag matapos ang MOA signing.
Nanawagan din si Ang sa DENR na suportahan ang kanilang gawain sa pamamagitan ng pagtitiyak na hindi makakasagabal ang mga illegal na negosyo sa clean up drive. “Nobody should even build anything within the river,” pagdidiin pa nito.
Sinabi pa ni Ang, nagsagawa na ng survey ang SMC upang masukat ang lapad at lalim nito maging ang kasalukuyang kondisyon ng ilog.
Lumalabas sa isinagawang survey na ang orihinal na 200-meter na lapad nito ay kumitid ng apat na metro na lang dahil na rin sa illegal structures at tambak ng basura.
“Immediately, we will invest and buy barges, back hoes, cranes with clam shell, dump trucks including lighting and generators for the cleanup,” sabi pa ni Ang.
Nakapaloob sa MOA na sumasang-ayon ang dalawang partido para sa pagpapatupad ng malawakang programa para mabawasan ang polusyon sa river system. Makikipag-ugnayan din ang bawat isa at tutulong para sa pagpaplano at implementasyon ng Tullahan-Tinajeros River System: Adopt-A-River Program.
Bilang bahagi naman ng DENR, titiyakin nito na mababawasan ang polusyon sa river system, magsasagawa ng regular water quality monitoring, magbibigay ng technical support sa local government units na nadadaan ng ilog at maglalagay ng kinakailangang Materials Recovery Facility/System sa mga barangay.
Magpapatupad rin ito ng karampatang aksyon para sa mga lumalabag sa Republic Acts 9275 (Clean Water Act), 9003 (Ecological Solid Waste Management Act) at 6969 (Toxic Substances, Hazardous and Nuclear Waste Control Act) at magsasagawa ng information at education campaign sa mga komunidad.
Sa kabilang banda, tutulong naman ang SMC sa paghuhukay at planong paglilinis ng DENR, magpapahiram ng mga equipment at operators nito, maglalaan ng pondo para sa operasyon ng equipment tulad ng “fuel at logistics cost”, pagtanggal ng mga basura para sa isasagawang surface clean up at iba pang gawain tulad ng paglalagay ng trash traps.
Bilang kalihim ng DENR ay pinamumunuan din ni Cimatu ang Manila Bay Task Force na binuo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa Manila Bay rehabilitation at restoration ng marine resources at ecosystems sa rehiyon. ###