Nagsanib puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Pollution Control Association of the Philippines Inc. (PCAPI) upang linisin ang maruming tubig ng Estero de Marala na direktang dumadaloy sa Manila Bay.
Ang Estero de Marala na may habang 2.7 kilometro ay matatagpuan sa boundary ng mga lungsod ng Navotas at Manila. Nakaugnay ito sa Estero de Vitas sa timog (south), Estero de Maypad sa hilaga (north), at Estero de Maypajo sa silangan (east).
Sa ginanap na memorandum of agreement (MOA) signing sa pagitan ng DENR at PCAPI, ipinunto ni Environment Secretary Roy. A. Cimatu ang kahalagahan ng pagtutulungan ng national government agencies, non-government organizations (NGOs), local government units (LGUs) at komunidad sa isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay at ng iba pang daluyan ng tubig na diretsong dumadaloy sa makasaysayang baybayin.
“The parties to this (MOA) will develop a comprehensive program to reduce the degradation of this estero. But because this estero is linked to other water bodies, their cleanup, too, will be part of the equation,” pagdidiin ni Cimatu.
“That will also require coordination with other barangays and LGUs, and the communities along the banks of these water bodies,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay PCAPI President, Engr. Gretchen Fontejon-Enarle, ang pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan ay hindi lamang nakaatang sa gobyerno bagkus ay sa lahat ng stakeholders.
“This partnership signifies the importance, the essence of PCAPI, and hoping it will become a benchmark for other associations and organizations to do the same and take part in different environmental advocacies in order to address current environmental issues,” ani Fontejon-Enarle.
Ang PCAPI ay isang non-stock, non-profit at non-government organization na itinatag noong Hunyo 1980 at naging kabahagi ng pamahalaan sa pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan at sa pagpigil ng paglala ng polusyon sa lupa, hangin, at katubigan.
Nabuo ang pakikiisa ng DENR at ng naturang ahensya sa pangangalaga ng Estero de Marala sa ilalim ng programang Adopt-an-Estero ng DENR, na may layuning mapalakas ang pagtutulungan ng mga komunidad malapit sa estero, mga donor partners, LGUs, DENR at ibang ahensya ng pamahalaan.
Napagkasunduan ng dalawang partido sa MOA na palawakin ang programa upang mabawasan ang paglala ng kalagayan ng Estero de Marala at magkaroon ng ugnayan ang bawat isa para sa regular na pagpaplano, implementasyon ng mga napagkaisahan sa pagpupulong at matukoy ang bilang ng mga informal settlers na naninirahan sa naturang lugar.
Kabilang din dito ang pagtukoy kung kinakailangang magkaroon ng cleanup, dredging at desilting sa mga ilog bilang bahagi ng mga hakbang upang maibalik ang kaayusan at kalinisan ng Estero de Marala.
Kasama sa mga responsibilidad ng DENR ang pagtiyak na maisasakatuparan ang mga hakbang upang mabawasan ang polusyon sa estero, paggawa ng gabay para sa buwanang water quality monitoring, pagbibigay ng technical assistance, information at education para sa komunidad, at ang pag-monitor sa mga industrial at commercial establishments sa paligid na maaaring nagtatapon ng dumi sa tubig. ###