Magsasanib puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Education (DepEd) para sa pagtatanim ng puno sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Atty. Jonas Leones, layunin ng School in Garden Project o SIGA na maturuan ang mga kabataan tungkol sa halaga ng puno at kabundukan, at upang maging makakalikasan ang mga ito.
“We hope that through the SIGA program, we will be able to instill in the young minds how significant forests are to their lives, so that the heritage of environmental conservation continues,” sabi pa ni Leones.
Aniya, nakatakdang lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang DENR at ang DepEd para mapagtibay ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya ng gobyerno.
Ang SIGA program ay ang pagtuturo sa mga estudiyante na magtanim ng medium-sized flowering trees katulad ng konsepto ng cherry blossoms sa Japan. Layunin nito na ipakita sa mga kabataan ang mga puno na nabubuhay sa Pilipinas tulad ng banaba at fire trees na namumulaklak sa buong taon.
Ang mga nabanggit na puno ay itatanim hindi lamang sa bakuran ng mga paaralan kundi maging sa mga kalapit na lugar nito, ayon na rin ay DepEd Undersecretary Alain Pascua.
Bukod dito, itatanim din sa bakuran ng mga paaralan ang malalaking puno na nagbibigay ng halaga sa kalikasan dahil na rin sa sukat at pambihira nilang naibibigay sa kapaligiran.
Sa katatapos na pagpupulong tungkol sa naturang proyekto, sumang-ayon ang DENR na magbibigay ng mga itatanim na puno, kasanayan at technical expertise sa DepEd upang higit na magtagumpay ang programa.
“The DENR can provide the saplings. We can also involve the Ecosystems Research and Development Bureau to include native species. Our timeline for these convergence activities should be done as quickly as possible,” saad pa ni Leones. ###