Magiging magkatuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang lokal na pamahalaan ng Compostela Valley para sa isasagawang rehabilitasyon ng Naboc River na matatagpuan sa Barangay Mt. Diwata, Compostela Valley na naging madumi dahil na rin sa mga latak na nagmula sa pagmimina.
Noong Hulyo 17, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina DENR OIC Assistant Secretary for Field Operations-Eastern Mindanao at kasalukuyan ring Region 11 Executive Director Ruth Tawantawan at Compostela Valley Governor Jayvee Tyron Uy sa opisina ng DENR Region 11 sa Davao City.
Sa kanyang mensahe matapos ang MOA signing, sinabi ni Environment Secretary Roy A. Cimatu na huhukayin ang ilog (dredging and desilting) upang matanggal ang dumi dulot ng pagmimina sa naturang lugar. Sa pamamagitan nito ay maisasaayos ang daloy ng tubig at matatanggal ang mga dumi na sanhi ng polusyon.
“We will not allow this river to die and we will relentlessly exhaust all means to bring it back to life, just as what we have successfully done in Boracay,” sabi pa ni Environment Secretary Cimatu.
“At the same time, never again shall we allow irresponsible mining operations to thrive in the area,” dagdag pa nito kasabay ng pagsasabi na ang rehabilitasyon ng Naboc River ay isa sa kanyang prayoridad na programa bilang kalihim ng DENR.
Sinabi pa ni Cimatu, na sa nakalipas na 25 taon ay naging catchment basin ang ilog ng mga nakalalasong kemikal mula sa gold mining at iba pang gawain ng mga tao sa Mt. Diwalwal. Dahil din sa abusadong paggamit ng ilog ay nalason ito ng kemikal partikular na ng mercury. Mayroon na rin itong fecal coliform o dumi ng tao at hayop.
Ang Naboc River ay nagmumula sa itaas na bahagi ng Mt. Diwata at dumadaloy sa anim na barangay sa mga munisipalidad ng Monkayo at Compostela. Kabilang dito ang mga barangay ng Babag, Mt. Diwata, Naboc, Tubo-Tubo, Upper Ulip at Mangyan.
Ayon pa kay Cimatu, ang Mt. Diwalwal ay naging biktima ng kasakiman at iresponsableng pagmimina ng mga tao sa naturang lugar sa loob ng dalawang dekada.
“The system goes green and in full swing. I have no doubt we will succeed in the same way we succeeded in rehabilitating Boracay,” sabi ni Cimatu matapos ang paglagda sa MOA.
Sa kanyang State of the Nation Address noong 2017, hinikayat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga mambabatas na bisitahin ang isang ilog sa Diwalwal, bilang pagtukoy sa Naboc River, na dating napakalinis ngunit naging kulay itim na.
Bilang tugon sa pangulo, sinabi ni Cimatu na bumuo ng plano ang DENR upang mabigyan ng solusyon ang problemang ito.
Inatasan na rin ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na magsagawa ng 500-meter sampling interval mula sa Barangay Diwata hanggang sa Barangay Babag sa Monkayo upang matukoy ang kalagayan ng ilog. Nakumpirma din sa pag-aaral ang mataas na antas ng mercury at fecal coliform sa kahabaan ng ilog.
Noong Hulyo ng nakalipas na taon ay naglabas ng Special Order No. 2018-593 ang kalihim na bumubuo sa Provincial Task Force Naboc River (PTFNR) sa Region 11. Ito ay bahagi ng Executive Order No. 217 ni Pangulong Duterte na nagtatatag sa National Task Force Diwalwal.
Ang PTFNR ay nakapag-bigay na ng 1,797 cease and desist orders sa mga may-ari ng ball mills at planta ng carbon-in-pulp nitong nakalipas na Marso. Dahil naman sa “Lihok Alang sa Naboc” ay naging madali ang operasyon sa paglipat ng mga informal settlers at processing plants mula sa Mt. Diwata patungo sa Sitio Mabatas upang matugunan ang environmental concerns sa Diwalwal.
Bukod sa paglilinis ay nagkaroon na din ng information, education at communication activities sa nasabing lugar.
Nagpasalamat din si Cimatu sa mga barangay officials sa lugar na tumutulong sa kampanya upang malinis ang Naboc River sa pamamagitan ng kanilang solid waste management.
Nakapaloob sa MOA na ang DENR at ang Compostela LGU ay magtataguyod at pananatilihin ang pag-unlad ng komunidad sa pamamagitan ng “rational exploration, development, utilization at conservation” ng mga mineral resources sa ilog.
Pangagasiwaan din ng DENR ang lahat ng aktibidad para sa rehabilitasyon ng ilog upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa environmental laws, rules and regulation at sa rehabilitation Master Plan sa pakikipagtulungan sa DPWH.
Regular ding magsasagawa ng periodic monitoring ng ilog bilang Water Quality Management Area na nakapaloob sa Republic Act 9275 (RA) o mas kilala sa tawag na Philippine Clean Water Act of 2004 upang masuri ang epekto ng gagawing paglilinis sa ilog.
Titiyakin naman ng MGB at ng provincial local government na ang lahat ng buhangin at graba kabilang na ang metallic materials na makukuha sa ilog na may kaukulang permits ay maitatapon ng maayos batay sa RA 7942 o Philippine Mining Act of 1995, Department Administrative Order 2010-21 o ang Revised Implementing Rules and Regulations of RA 7942 at iba pang kahalintulad na batas. ###