Naniniwala si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu na ang pagkakaroon ng “cultural change” ang kailangan upang linisin at buhayin ang Manila Bay.
“If they ask me what is the most difficult part in rehabilitating Manila Bay, I would say it is to change our people’s behavior and attitude,” sabi ni Cimatu sa ginanap na flag ceremony sa tanggapan ng DENR sa Quezon City noong Lunes (Pebrero 4).
Ayon kay Cimatu, ang pagiging masigasig at kagustuhan ng maraming tao na maging parte sa rehabilitasyon ng Manila Bay ang nagbibigay ng pag-asa sa kanya para maibalik ang dating ganda at linis ng naturang karagatan.
Nitong nakalipas na Enero 27, mahigit sa limang libong katao ang nakiisa sa malawakang cleanup activity sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Manila upang markahan ang paglulunsad ng tatlong bahaging rehabilitasyon ng Manila Bay na sinusuportahan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naglaan si Pangulong Duterte ng mahigit P42 billion para sa implementasyon ng tatlong- taong proyekto na pagtutulong-tulungan ng 13 ahensiya ng gobyerno upang magampanan ang misyon sa tinawag na “Battle for Manila Bay”.
Sinabi pa ni Cimatu, ang P6 billion o 14% ng alokasyon ay gagamitin sa cleanup activities kabilang na dito ang pagkakaroon ng information at education campaign kung ano ang kahalagahan ng paglilinis sa Manila Bay.
Ang nalalabing P36 billion naman ay gugugulin para sa pagbibigay ng trabaho at livelihood sa mga apektadong residente, pagpapatayo ng town centers na mayroong recreational areas, markets, church, schools at hospitals.
“Andyan na tayo sa difficult level, which is the cleanup. The more difficult part is the relocation of over 220,000 households. But the most difficult is to maintain and sustain its clean condition for the next generation,” dagdag pa ng kalihim.
Aniya, pangunahing layunin na maibaba ang coliform level ng tubig sa Manila Bay at iba pang daluyan ng tubig na nakakonekta sa makasaysayang karagatan.
Bago ang paglulunsad ng Manila Bay rehabilitation ay umabot na sa 330 million MPN (most probable number) kada 100 milliliters ang level ng fecal coliform sa tubig ditto, kumpara sa katanggap-tanggap na level na ayon sa class SB ay 100 MPN/100ml lamang.
“There are about 47 esteros leading to Manila Bay and we will be cleaning all these esteros one at a time or simultaneously,” ani pa ni Cimatu.
Sinabi pa ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang tinatawag na “ground zero” o ang konsentrasyon ng rehabilitasyon ay sa area ng Manila Yacht Club hanggang sa United States Embassy kung saan ang solid at water pollutants ay nagtatagpo at ang fecal coliform count dito ay napakataas. ###