Mahigpit na ipatutupad ng Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang Clean Water Act upang maging matagumpay ang gagawing paglilinis sa Manila Bay.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9275 o mas kilala bilang Philippine Clean Water Act of 2004 ay isa sa mga paraan upang maresolbahan ang problema sa maruming tubig sa makasaysayang karagatan.
Kamakailan ay nagsagawa ng ocular inspection si Cimatu sa Estero de San Antonio de Abad sa Malate, Manila at nadiskubre na direktang itinatapon ng mga establisiyamento ang kanilang maruming tubig sa Manila Bay.
“Establishments have to put up their own sewage treatment plants (STPs). They cannot discharge their wastewater in the esteros. “We are giving them three months to put up their own STPs,” sabi pa ni Cimatu.
Aniya, sisimulan ang gagawing rehabilitasyon sa Manila Bay sa pamamagitan ng pagtingin kung saan nanggagaling ang maruming tubig na napupunta sa Manila Bay.
Tatlong bahagi ang gagawing rehabilitasyon sa Manila Bay kung saan ay sisimulan ito sa “water quality improvement” susundan ng rehabilitation at ang pangatlo ay ang protection at sustainment.
Sinabi pa ni Cimatu na sisimulan ang Phase 1 ngayong taon sa pamamagitan ng paglilinis sa mga esteros at iba pang daanan ng tubig patungong Manila Bay, pagbabawas sa fecal coliform at nakalalasong kemikal mula sa mga establisiyamento, paglalagay ng temporary sanitation facilities para sa mga informal settlers na nakatira sa mga esteros at tabi ng Manila Bay kung saan plano ring ilipat sa mga relocation sites ang mga naninirahan sa paligid ng Manila Bay.
Nagsagawa na rin ng inspeksiyon si Cimatu sa Parañaque at Don Galo rivers na parehong patungo ang tubig sa Manila Bay at nadiskubre ang mataas ng fecal coliform level ng tubig sa mga ito.
Noong 2008 nang maglabas ng kautusan ang Supreme Court (SC) na nag-aatas sa DENR at 12 pang kagawaran ng gobyerno na kinabibilangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Education, Health, Agriculture, Public Works and Highways and Budget Management, Philippine Coast Guard, Philippine National Police Maritime Group, Philippine Ports Authority, MMDA, MWSS at Local Water Utilities Administration upang linisin ang Manila Bay hanggang sa maaari na itong mapaliguan ng mga tao.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa 330 million MPN (most probable number) kada 100 milliliters ang fecal coliform level ng tubig sa Manila Bay habang ang katanggap-tanggap na lebel ay 100MPN/100ml at plano ng DENR na maibaba ito sa 270 pagsapit ng December 2019. ###