Nanawagan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na nakapaligid sa Manila Bay na maging modelo sa pamamagitan ng pagsunod sa clean water and solid waste management laws sa pagsisimula ng nalalapit na rehabilitasyon sa napakaruming tubig ng naturang karagatan.
Ayon kay Cimatu, nararapat lamang na tumutupad ang mga tanggapan ng gobyerno na nakapaligid sa Manila Bay at mga ilog na nakasanga dito sa Clean Water Act of 2004 at sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 upang gawin silang modelo ng mga commercial at residential establishments.
“Manila Bay is in critical condition and proper wastewater discharge and solid waste disposal play a key role to reviving it,” sabi pa ni Cimatu.
Ang pahayag na ito ni Cimatu ay patungkol sa gagawing rehabilitasyon ng DENR at iba pang ahensiya ng gobyerno sa Manila Bay na sisimulan sa Enero 27 ng kasalukuyang taon.
Aniya, importante sa mga tanggapan ng gobyerno, partikular na ang mga nasa paligid ng Manila Bay na tiyaking konektado sila sa “sewer lines” o kaya naman ay may sarili silang sewage treatment plans para sa tamang wastewater disposal.
Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga ito na ayusin ang kanilang mga basura upang hindi mapunta at maging basurahan ang mga karagatan.
Sabi pa ni Cimatu, malaking problema ng bansa ang solid waste dahil na rin sa hindi tamang segreasyon, walang humpay na paggamit ng “single-use plastic products at hindi tamang pagtatapon ng basura.
Sa darating na Enero 27 ay ihahayag na ng DENR ang mga establisiyamentong direktang nagtatapon ng kanilang wastewater sa Manila Bay, esteros at ilog na nakakonekta sa naturang dagat.
Ang mga establisiyamentong mapatutunayang lumalabag at bumabalewala sa environmental laws ay maaaring maipasara o kaya naman ay pagmultahin ng hanggang P200,000 kada araw.
“We will issue notices of violation to non-compliant establishments or we will shut them down,” babala pa ni Cimatu. “Until they comply, they cannot operate.”
Kinakailangan ding sumusunod ang mga establisiyamentong ito sa “Reduce, Reuse and Recycle (3R) para sa tamang solid waste management.
“Segregation at source is a simple practice that, when done habitually, will rid not just Metro Manila but the entire country of solid waste that pollutes land, water and air,” pagdidiin ng kalihim.
Nanawagan din ang kalihim ng DENR sa lahat ng local government units na tiyakin na amg lahat ng commercial at residential establishments sa kanilang nasasakupan ay sumusunod sa tamang pagtatapon ng kanilang wastewater sa anumang daluyan ng tubig at higit sa lahat sinabi pa ni Cimatu na importante ang pagbibigay ng impormasyon sa mga residente kung ano ang kanilang responsibilidad upang malinis ang Manila Bay.
“With education, we can clean up Manila Bay, we can sustain it, and we can preserve the revived Manila Bay,” pagtatapos nito. ###