Nangako si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu na pananagutin nito ang mga pasaway na establisiyamento na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay bilang bahagi ng malawakang rehabilitasyon nito.
“No establishment that is polluting Manila Bay will be spared from the crackdown,” sabi ni Cimatu. “We will make sure all establishments will go through inspection and the violators will have to pay the price for polluting the environment.”
Ang pahayag na ito ni Cimatu ay matapos na maglabas ng kautusan ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na nagpapasara sa apat pang establisiyamento na natukoy na nagtatapon ng “untreated wastewater” sa Manila Bay.
Ang LLDA ay naglabas ng cease and desist orders (CDOs) laban sa Billion Building, HK Sun Plaza, Tramway Bayview Buffet Restaurant sa Pasay City at D Circle Hotel sa Manila.
Nakapagpalabas na rin ang LLDA ng karagdagang 13 na notice of violations (NOVs) at apat na ex-parte orders ilang araw pagkatapos simulan ang Manila Bay rehabilitation noong Enero 27.
Bago ito, naglabas na rin ng CDOs ang LLDA laban sa mga restaurant na kinabibilangan ng Aristocrat, Gloria Maris at Esplanade, at E Universe Entertainment and KTV Bar matapos matuklasang nagtatapon ang mga ito ng maruming tubig diretso sa Manila Bay at napatunayan din na wala ang mga itong kaukulang wastewater facility.
Base sa nakasaad sa Republic Act 9275 o mas kilala sa tawag na Philippine Clean Water Act of 2004 ang direktang pagtatapon ng wastewater sa mga daluyan ng tubig ay maaaring maging dahilan upang ipasara ang isang establisiyamento.
Nagbabala pa si Cimatu sa mga establisiyamento na posibleng maipasara ang mga ito sa patuloy na pagtatapon ng kanilang dumi sa Manila Bay.
“This is just the initial salvo as inspection of establishments for their compliance goes full swing not only here in Metro Manila, but also in the provinces that affect the water quality of Manila Bay,” dagdag pa ni Cimatu.
Nakapagbigay na rin ang Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR ng NOVs sa 265 establisiyamento sa National Capital Region (NCR), 21 cease and desist orders sa Region 3 at 45 NOVs sa Region 4A. Kabilang sa mga nilabag ng mga ito ay ang RA 9275, RA 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999 at RA 6969 o Toxic and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act.
Nadiskubre rin na may mga negosyong nakapag-ooperate ng walang kaukulang Environmental Compliance Certificates (ECC) at lumabag sa Presidential Decree 1586 o mas kilala sa tawag na Environmental Impact Statement System. ###