Nanawagan si Environment Secretary Roy A. Cimatu sa lahat na tumulong upang mapangalagaan at hindi malipol ang lahi ng nanganganib na Philippine eagle na sumisimbolo sa pagkakakilanlan ng ating bansa.
“As an endemic species, the Philippine eagle already serves as a global heritage that requires concerted efforts of the international community for conservation,” sabi ni Cimatu kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Eagle Week (PEW) ngayong Hunyo 4 hanggang 10.
Ayon kay Cimatu, ang naging desisyon ng bansa na magkaroon ng “loan” sa isang pares ng Philippine eagle sa Wildlife Reserves Singapore (WRS) ay isang magandang simula upang mailigtas ang lahi ng naturang ibon.
Kamakailan ay lumagda ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at WRS sa makasaysayang “wildlife loan agreement” kung saan ay aalagan sa Singapore ang mga agilang sina Geothermica at Sambisig. Kaugnay nito, nakaalis na patungong Singapore sina Geothermica at Sambising kanina (Hunyo 4).
“Sending Geothermica and Sambisig to Singapore is a historical milestone and a tangible indication that the international community is needed in the protection and conservation of the Philippine eagle, the country’s national bird and crown jewel of biodiversity,” sabi pa ni Cimatu.
Ang dalawang agila ay mananatili sa Jurong Bird Park na kilala bilang malaking bird park sa Asia kung saan namamahay ang 3,500 ibon mula sa 400 uri habang dalawampung porsiyento sa mga ito ay nanganganib na ang lahi.
“With millions of tourists flocking at the Jurong Bird Park, where our Philippine eagles will live, we are bringing them closer to the international community in the hopes of encouraging international attention and support for their conservation,” anang pa ng kalihim.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 79, ang PEW ay ipinagdiriwang tuwing Hunyo 4 hanggang 10 kada taon. Layunin nito na mapataas ang kamalayan ng bawat isa kung ano ang halaga ng Philippine eagle sa ating kapaligiran at bilang simbolo ng ating bansa.
Ang tema ngayong taon para sa pagdiriwang ng PEW ay ang “The Philippine Eagle: A National Symbol, A Global Treasure”.
“Let this year’s PEW celebration instill in the minds of Filipinos the significance of our national bird and the desire of our nation to rise and soar like this national treasure,” dagdag pa ni Cimatu.
Ang Philippine eagle (Pithecophaga jefferyi) na kilala bilang isa sa malaking agila kung ang pag-uusapan ang haba at ang lapad ng pakpak nito ay itinuturing na “critically endangered” base na rin sa International Union for Conservation of Nature’s Red List kasama rin ito sa “Threatened Species”na nakapaloob sa Administrative Order 2004-15 ng DENR.
Tinatayang aabot na lamang sa 400 pareha ang populasyon ng Philippine eagle at ang itinuturong dahilan sa pagkaubos ng kanilang lahi ay ang paghuli sa mga ito at pagsira sa kanilang tahanan.
Bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng PEW ay magkakaroon ng free public screenings ng award-winning documentary na pinamagatang “Bird of Prey” mula Hunyo 3 hanggang 12 sa Quezon City at Mindanao.
Mapapanood ang dokumentaryong ito sa UP Town Center sa Hunyo 3; SM Cagayan de Oro Downtown Premier, Hunyo 4; KCC Mall de Zamboanga sa Hunyo 6; Robinsons Place Butuan, Hunyo 7; Robinsons Place General Santos City sa Hunyo 10 at SM City Davao sa Hunyo 12.
Magkakaroon din ng learning event na tinawag na “Keep Them Wild” sa Hunyo 8 sa Quezon City na pinagtulungang idaos ng The Caring Cup of the Coffee Bean and Tea Leaf, Biodiversity Finance Initiative, Faber-Castell Philippines, Haribon Foundation at ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR. Ang kikitain dito ay ibibigay sa Wildlife Rescue Center na gugugulin naman sa pagpapaayos at paglalagay ng bagong kulungan ng mga hayop.
Maaaring matutunan ng mga kabataan na may edad na 5 hanggang 14 sa kaganapang ito ang paggawa ng artwork na ang gamit na subject ay ang Philippine eagle.
Magkakaron din ng parehas na aktibidad mula Hunyo 5 hanggang 11 sa tatlong barangay sa Manolo Fortitch sa Bukidnon, Butuan City at Davao City kung saan ang mga kabataan na miyembro ng indigenous communities ang magiging kalahok. ###