Labis na natuwa si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa kinalabasan ng ginanap na sabay-sabay na paglilinis sa Manila Bay “tributaries” noong nakalipas na linggo (March 31) kung saan ay libong katao ang nakiisa bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon ng maruming baybayin.

“We have been overwhelmed with the support we received from the public for the cleanup of Manila Bay tributaries. Indeed, nothing is impossible if we all work together,” sabi ni Cimatu at idiniin pa nito na malaking bahagi ang partisipasyon ng publiko sa ikatatagumpay ng rehabilitasyon sa tinaguriang “Battle for Manila Bay”.

Base sa inisyal na ulat mula sa Manila Bay Rehabilitation Operations Center na binuo ng DENR, umabot sa mahigit 16,000 katao mula sa 181 barangays sa Metro Manila ang nakiisa sa sabay-sabay na paglilinis ng mga estero at ilog na nakaugnay sa Manila Bay.

Ayon pa sa ulat, halos 70 tonelada ng basura ang nakolekta mula sa mga esteros at ilog sa ginanap na paglilinis. “Volunteerism is the most important part of the Battle for Manila Bay,” dagdag ni Cimatu at ipinaliwanag pa ng kalihim na ang mga basura mula sa mga “tributaries” ang nagpapalala ng polusyon sa Manila Bay.

Sa ginawang pagbisita ni Cimatu sa mga “cleanup sites”, napansin nito ang walang pakundangang pagtatapon ng basura ang dahilan kung bakit dumudumi ang mga daluyan ng tubig.

Nakasaad sa Republic Act 9003 o mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na ang lokal na pamahalaan ang may responsibilidad sa tamang paghihiwalay at pagtatapon ng basura sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Cimatu, magiging katuwang ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pagpapatupad ng RA 9003 ang apat na field offices sa National Capital Region na binuo ng DENR na layuning tumulong sa pagresolba ng problema sa basura sa mga daluyan ng tubig.

Ang ginanap na cleanup activities ay ginawa sa 21 lugar na marurumi ang river systems na kinabibilangan ng Pasig, Marikina, San Juan, arañaque, Pateros, Taguig, Malabon-Navotas, Tullahan-Tinajeros at Las Piñas-Zapote.

Nag-ikot din si Cimatu sa mga “cleanup sites” upang mag-inpeksiyon at personal na pasalamatan ang mga nag-volunteers na tumulong sa paglilinis. Kasama nito ang iba pang DENR officials, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo
Lim.

Sa kanyang pagbisita sa Parañaque, nagulat si Cimatu sa tambak ng basura sa Tripa de Galina at sa mga illegal settlers families (ISF) na naninirahan malapit sa naturang lugar at nangako rin ang kalihim sa mga residente na ililipat sila sa maayos na relokasyon kasabay ng
pakiusap na tumulong ang mga ito sa paglilinis.

Sa Manila, pinuri ni Cimatu ang kapitan ng barangay na nasaktan sa isinagawang cleanup sa Estero de Magdalena at hinangaan din ito dahil sa kanyang ipinakitang dedikasyon at suporta sa rehabilitasyon.
Nagbigay naman ng mensahe ang kalihim sa Quezon City sa mga volunteers na naglinis sa San Juan River na makikita sa Barangay Doña Imelda.

“Nandito kami ngayon para ipakita gaano ka-importante sa gobyerno ang laban na ito,” sabi pa nito sa mga volunteers sa Quezon City.

Binisita din ni Cimatu ang Navotas River kung saan ay nagulat ito sa dami ng ISFs na naninirahan sa tabi ng ilog. Sinabi pa ng kalihim na ang mga ISFs ang malaking dahilan ng pagdumi ng mga estero. Ang ikalawang bahagi ng Manila Bay rehabilitation ay ang pagre-relocate sa mga ISFs.

Sa Caloocan City, pinuri rin ng kalihim ang mga opisyal ng barangays na nakasasakop sa Tullahan-Tinajeros River System na lumagda sa isang kasunduan na tinawag na “Kasunduan sa Paglilinis ng Tullahan-Tinajeros River System” para sa rehabilitasyon nito na kasalukuyang mayroong coliform level na 92M mpn (most probable number)/100ml.

Idiniin din nito na kailangang maibalik sa dating lalim at lawak ang Tullahan River upang maiwasan ang pagbaha sa ilang lugar sa Quezon City. “Tullahan River is a challenged but we will be able to solve ito,” pagtitiyak pa nito.

Pinuntahan din ng dating hepe ng militar ang bahagi ng Tumana Creek na matatagpuan sa Barangay Tumana na ang tubig ay patungo sa Marikina River. ###