Pinuri ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu ang Bureau of Customs (BOC) sa matagumpay na pagkaka-kumpiska sa mahigit
700 piraso ng makamandag at buhay na tarantula sa Ninoy Aquino International Airport, kamakailan.
“The BOC agents and personnel who discovered the shipment should give themselves a pat on the back for stopping the illegal trade of these wildlife species,” sabi ni Cimatu.
Ang mga nakumpiskang tarantula na aabot sa halagang P310,000 ay nakitang nakalagay sa loob ng gift-wrapped boxes ng oatmeal, cookies at tea na nanggaling mula sa
bansang Poland. Naaresto rin ang dalawang katao kabilang na ang consignee ng shipment.
Ayon kay Cimatu ang pagkaka-kumpiska sa 757 piraso ng tarantula at pagkakaresto sa dalawang suspek ay isang tagumpay para sa laban sa illegal wildlife trade.
Nangako pa ito na hindi titigil ang mga awtoridad hanggang maubos ang mga “poachers at wildlife traffickers”.
“We will never get tired of rescuing wildlife and put their tormentors before the bar of justice so as to teach people a lesson that wildlife species are not commodities for trade,”
dagdag pa ni Cimatu.
Ang dalawang suspek at ang tarantula shipment ay dinala na sa Philippine Operations Group on Ivory and Illegal Wildlife Trade o mas kilala sa tawag na Task Force POGI na
binubuo ng wildlife enforcers mula sa iba’t-ibang ahensiya kasama na rito ang Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR, National Bureau of Investigation at Philippine
National Police.
Ayon kay BMB Senior Ecosystems Management Specialist Rogelio Demellentes, Jr., ang dalawang suspek na kumuha ng padala sa NAIA’s Central Mail Exchange Center ay
sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources and Protection Act.
Base sa nakasaad sa batas, ang sinumang mahuhuling nagbebenta, may dala at agbabiyahe ng wildlife species ay maaaring maparusahan ng pagkakulong ng hanggang
dalawang taon at pagmumultahin ng P200,000.
Sinabi pa ni Demellentes, nakikipag-ugnayan na ang task force sa Polish government sa posibilidad na pagsasauli ng tarantula shipment.
Sa kasalukuyan, ilalagay sa quarantine area at oobserbahan ang mga tarantula at mananatili sa pangangalaga ng BMB habang wala pang resolusyon sa kaso. ###