Handang-handa na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na simulan ang gagawing rehabilitasyon ng Manila Bay sa darating na Linggo (Enero 27) upang maibalik ito sa dating ganda at linis.
Ang gagawing rehabilitasyon na tinawag ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na “Battle for Manila Bay” ay sama-samang sisimulan ng mahigit sa limang libong katao mula nabanggit na ahensiya at sa labindalawa pang government agencies na naatasan ng Supreme Court (SC) para sa Manila Bay rehabilitation noong 2008.
“This is a battle that will be won not with force or arms but with the firm resolve to bring Manila Bay back to life,” sabi ni Cimatu.
Ayon pa sa dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang Manila Bay at ang kalikasan ay hindi kailanman dapat pabayaan.
“With the commitment and determination of every Filipino to do his share in this rehabilitation effort, we have already won the battle for Manila Bay,” dagdag pa nito.
Pagkatapos ng launching, sisimulan na ang rehabilitation sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) at sa Marine Tree Park sa Navotas City na kapwa nasa National Capital Region (NCR).
Sa Region 3, magkakasabay din ang gagawing rehabilitasyon sa mga bayan ng Obando, Mariveles at Guagua na mga nasa probinsiya ng Bulacan, Bataan at Pampanga. Gagawin naman ang launching sa tulay ng Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) at ang paglilinis sa Talaba Dos sa Bacoor, Cavite.
Bukod sa DENR, kabilang sa mga ahensiyang makikibahagi sa rehabilitasyon ay ang Department of Tourism (DOT); Department of the Interior and Local Government (DILG); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Trade and Industry (DTI); Department of National Defense (DND) at Department of Science and Technology (DOST).
Kasama rin dito ang Pasig River Rehabilitation Commission; Housing and Urban Development Coordinating Council, National Housing Authority, Presidential Commission for the Urban Poor, Manila Water Company Inc.; Maynilad Water Services Inc.; local government units; non-government organizations at iba pang stakeholders.
Sinabi ni Cimatu na nagpapasalamat siya sa mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders dahil sa ibinibigay na suporta ng mga ito para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Bukod sa rehabilitasyon, kasama rin sa proyektong ito ang relokasyon sa mga iskuwater na naninirahan sa gilid na Manila Bay at ang pagtupad ng mga establisiyamento sa Philippine Clean Water Act of 2004 at iba pang environmental laws.
Sa paglulunsad ng Manila Bay rehabilitation ay sasabihin na rin ni Cimatu ang pangalan ng mga establisiyamentong hindi sumusunod sa clean water law.
“We will serve notices of violation to these establishments whose outfalls discharge untreated water to esteros, rivers and other tributaries that flow into Manila Bay,” sabi pa ni Cimatu.
Sisimulan ang programa sa Solidarity Walk bandang 7:00 ng umaga sa Quirino Grandstand hanggang bay walk area sa harapan ng Rajah Sulayman Park.
Pangungunahan din ni Cimatu ang “Pledge of Commitment” ng lahat ng stakeholders bilang pagdedeklara na sisimulan na ang Manila Bay rehabilitation.
Layunin ng DENR na maibaba ang coliform level ng tubig sa Manila Bay sa 270 most probable number (MPN) kada 100 milliliters (ml) at sa lahat ng esteros sa 100 mpn/100ml.
Kamakailan ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Manila Bay rehabilitation na iminungkahi ng DENR at nabigyan ng budget allocation na P47 billion. ###