Nagbabalak si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu na gawing “elite special forces” ang mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa paligid ng Manila Bay upang makatulong sa pagpapanumbalik ng ganda at linis nito.
“The barangay leaders and members who are here today could be considered special forces in this endeavor,” pahayag ni Cimatu sa ginanap na dayalogo nitong Lunes sa mahigit 300 barangay captains ng Metro Manila na nakasasakop sa Manila Bay kaugnay ng isinasagawang rehabilitasyon.
Ayon kay Cimatu, umaasa ang gobyerno sa tulong at suporta mula sa mga opisyal ng barangay upang maging matagumpay ang isinisigawang rehabilitasyon na binansagang, “Battle for Manila Bay.”
Aniya, malapit ang mga ito sa siyam na kritikal na ilog na kinakailangan linisin bilang bahagi ng restorasyon ng nasabing look.
“As much as you are the ones nearest to the rivers or the battle areas, you are also the ones closest to the people who are possible enemies or violators,” sabi pa ni Cimatu. “Influence them to stop their bad practices of dumping garbage anywhere, and ask them to join you as volunteers in your cleaning campaign drive.”
Dagdag pa ng dating military chief: “Your mission is special, kaya isa kayo sa mga elite forces ng Manila Bay rehabilitation. Consider yourselves as the first line of defense.”
Layunin ng ginanap na dayalogo na ipaalala sa mga barangay executives ang kanilang tungkulin sa isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay, kasama na din ang paglilinis ng mga ilog na nagpapadumi dito.
Dumalo sa ginanap na dayalogo ang mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa paligid ng mga ilog mula sa Pasig-Marikina-San Juan; Muntinlupa-Parañaque-Las Piñas-Zapote; Malabon-Tullahan-Tenejeros; Pasay City at Navotas.
Sinabi pa ni Cimatu, kinakailangang maging mapagmanman ang mga lider ng barangay tungkol sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga ilog sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Ipinunto din ng kalihim na ang Manila Bay ay naging “pollution hotspot” sa katimugang bahagi ng East Asia. Dahil dito, posibleng ito ay maging banta sa kalusugan at “food security” ng taumbayan, at magkaroon ng epekto sa samu’t saring buhay ng bansa.
Sa kabila nito, naniniwala si Cimatu na hindi imposible ang misyon para sa rehabilitasyon ng Manila Bay kung magtutulong-tulong ang lahat para dito. “We can restore back the once clean and beautiful bay if we all believe that we can do it,” sabi niya.
“We are not alone. We have the mandamus agencies and different stakeholders on our side: the national and local government agencies, the government and non-government institutions, and the civil society,” dagdag pa ng environment chief.
Matatandaan na noong Enero 27 inilunsad ng pamahalaan sa pangunguna ng DENR ang tatlong bahagi ng “Battle for Manila Bay,” na kung saan higit sa 10,000 katao ang nakibahagi sa cleanup activity sa Roxas Boulevard sa Manila at iba pang lugar na nakasasakop sa Manila Bay.
Matapos ang isang buwan mula nang nasabing paglulunsad, ang Laguna Lake Development Authority ay nakapag-isyu ng 263 notices of violation at 119 cease and desist orders sa mga establisimyento sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon na napatunayang lumabag sa Philippine Clean Water Act of 2004 at iba pang batas pangkalikasan. ###