Patuloy ang pagsusumikap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mabago ang anyo ng tubig sa Bacuit Bay sa El Nido, Palawan upang tuluyan na itong malanguyan sa darating na Mayo.
“We are confident we can present to the public an improved Bacuit Bay — safe and fit for bathing and swimming,” sabi ni Regional Director Henry Adornado ng DENR MIMAROPA sa ginanap na First Environmental Forum kamakailan sa El Nido.
Umabot sa 200 katao ang dumalo sa ginanap na forum kabilang na dito ang mga commercial establishment owners, business operators at kinatawan ng local at national government agencies.
Ayon kay Adornado, isinusulong ng DENR, kasama na ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang pagdedeklara sa Bacuit Bay bilang isang water quality management area or WQMA alinsunod sa Republic Act No. 9275 or the Philippine Clean Water Act of 2004.
Ang WQMA ay ang “integrated water quality management system” na idinisenyo upang maprotektahan ang mga anyo ng tubig sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga stakeholders at government agencies.
“Water quality management is one of the priorities of Secretary Cimatu. The establishment of Bacuit Bay as a WQMA adheres to the thrust of his administration for clean water. We look forward to having a sustained and collective action towards saving Bacuit Bay and the rest of our natural resources here in El Nido,” sabi naman ni DENR Assistant Secretary for Field Operation for Southern Luzon Reynulfo Juan sa ginanap na forum.
Kabilang sa mga tinalakay sa environmental forum ay ang implementasyon ng 10-year action plan ng Bacuit Bay tungkol sa mga kinahaharap na isyu ng baybayin kabilang na dito ang water quality issue.
Noong nakalipas na taon nang buuin ng DENR ang Task Force El Nido na nanguna sa paglilinis ng baybayin at matiyak ang implementasyon ng environmental rules and regulations sa naturang lugar.
Ngayon taon ay nakikipagtulungan na ang DENR sa local government units upang magkaroon ng one-stop shop upang hindi na mahirapan ang mga stakeholders sa pag-asikaso ng kanilang kinakailangang dokumento.
Patuloy din ang pagsusumikap ng DENR na magkaroon ng karagdagang tanggapan sa El Nido at isang bacteriological laboratory kung saan agad na makapag-sasagawa ang EMB ng water sampling tests. ###