Iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR0 na umabot sa 3,500 Benguet pine trees ang itinanim sa bakuran ng “The Mansion” sa Baguio City bilang bahagi ng programa ng kagawaran na maparami ang bilang ng puno sa naturang lugar.
Ayon kay DENR-Cordillera Administrative Region Executive Director Ralph Pablo, ang kanilang hakbang ay bilang tugon sa direktiba ni Secretary Roy A. Cimatu na paramihin ang bilang ng Benguet pine trees sa Baguio City dahil patuloy na bumababa ang bilang ng mga punong-kahoy sa naturang lugar, partikular na sa Camp John Hay.
“Secretary Cimatu’s order was to saturate Baguio with the smell of pine trees again and restore the city’s claim to being the City of Pines,” sabi ni Pablo.
Nakipagtulungan sa pagtatanim ng pine trees sa dalawang ektaryang bakuran ng The Mansion ang 350 miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ang The Mansion ay ang opisyal na “summer palace” ng pangulo ng Pilipinas at matatagpuan ito sa eastern part ng Baguio City sa kahabaan ng Leonard Wood Road, sa kabila ng Wright Park.
Umaabot sa 74 percent ng kabuuang 14.7 ektaryang lupa ng The Mansion ang tinatawag na “open forest” dahil na rin sa nakatanim na iba’t-ibang uri ng puno sa paligid nito.
Ang pagbaba ng bilang ng Benguet pine trees sa Baguio City ay napansin ni Cimatu nang dumalo ito sa alumni homecoming ng Philippine Military Academy (PMA) noong Pebrero.
Dahil dito, agad na inatasan ni Cimatu si Pablo na magsagawa ng “inventory” sa mga puno sa lungsod upang makagawa ng aksiyon ang DENR na maparami ang bilang ng Benguet pine trees.
Lumabas sa isinagawang “inventory” na umabot sa 2,498,019 ang mga puno sa paligid ng lungsod na may 5,750 ektaryang teritoryo habang ang bilang ng Benguet pine trees na may lapad na 124 centimeters ay umabot sa 351,493 o 14 percent ng kabuuang bilang.
Sa naturang bilang, 277,148 o 79 percent ang lugar na tinatawag na “closed forest” o “closed canopy” katulad ng Camp John Hay reservation at mga parke malapit sa Teachers’ Camp at PMA.
Umaabot naman sa 70,735 puno ang matatagpuan sa tinatawag na open forest kung saan itinanim ang 3,500 saplings habang 3,610 sa mga ito ang makikita sa residential areas.
Ang mga tinatawag na miscellaneous trees na kinabibilangan ng alnus, eucalyptus at calliandra ay umabot naman sa 1.2 milyon ang bilang.
Kabilang din sa isinama sa imbentaryo ay ang mga batang puno na may bilang na 885,268 na tumutubo sa ilalim ng malalaking puno. Tinatawag ding “regenerants” ang mga “young trees” na may lapad na five centimeters at may taas na one meter.
Sinabi pa ni Pablo, ang pagbaba ng bilang ng pine trees sa Baguio City ay dahil na rin sa pagiging agresibo ng lungsod at mga ginagawang bagong gusali sa tinaguriang summer capital ng bansa.
Aniya. isa sa mga paraan ng DENR regional office upang mapigilan ang pagbaba ng bilang ng mga puno ay ang paghikayat sa mga lot owners na kumuha ng cutting permit bago putulin ng mga ito ang puno sa kanilang nasasakupang lugar.
Sinabi pa ni Pablo, nagsasagawa ngayon ang regional office ng kampanya upang ipaliwanag sa mga residente ang kahalagahan ng pagkakaroon ng puno sa kanilang nasasakupang lugar upang hindi putulin ng mga ito ang nakatanim kapag nagpapalaki ng mga bahay.
“Sadly, the conventional mindset is that trees should go to maximize the floor space of a house. We explain to them the direct and indirect benefits of keeping these trees both to them and to the city, and the added-value they give to their houses as an investment,” dagdag pa nito.
Sa kabuuang 5,750 ektaryang land area ng Baguio City, 1,339 o 23 percent dito ang tinatawag na closed forest o closed canopy habang 1,474 ektarya naman o 26 percent ang open forest o open canopy samantalang 2,937 o 51 percent ang residential at commercial area kabilang na dito ang nakasasakop sa kalsada at highways. ###