Dalawampung establisyemento pa sa mga lungsod ng Pasay at Manila ang nadagdag sa listahan na nagtatapon ng kanilang wastewater sa Manila Bay, kabilang sa mga ito ang gusali ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) matapos pangalanan ang mga ito ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Sa pinakabagong ulat ng LLDA, lumabag sa Republic Act 9275 o mas kilala sa tawag na Philippine Clean Water Act of 2004 ang mga nabanggit na establisyemento at lima sa mga ito ang nabigyan ng cease and desist orders (CDOs), 12 notice of violations (NOVs) at tatlong ex-parte orders (EPOs).
Kabilang sa mga nabigyan ng CDOs ay ang Jollibee Foods Corp. na matatagpuan sa Macapagal Blvd., Pasay; Heng Feng Kitchenette sa F.B. Harrison St., Pasay; Max’s Restaurant sa Ermita, Manila; Lamer Catering at Nihon Bashitei Japanese Food na kapwa sa Malate, Manila.
Nadagdag ang limang establisyemento sa labing-isang gusali na naunang napatawan ng parehas na paglabag sa patuloy na pagsasagawa ng inspeksyon ng LLDA upang matukoy ang mga pasaway na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay na kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon.
Base sa ulat na isinumite ni LLDA General Manager Jaime Medina kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang panibagong listahan ng mga nabigyan ng paglabag ay base na rin sa resulta ng kanilang isinagawang inspeksiyon at laboratory analysis sa mga wastewater samples na kinuha noong Enero 31.
Ayon kay Medina, hindi sumusunod ang mga pasaway na establisyamento sa tamang standards na Class “SB” waters upang maging ligtas ang tubig sa mga aktibidad tulad ng paglangoy.
Kasama naman sa 12 establisyemento na nabigyan ng NOVs ay ang OWWA building sa F.B. Harrion at ang CCP main building at annex building kung saan nag-oopisina ang kanilang production design center.
Dalawang condominium buildings naman at isang motel ang nabigyan din ng NOVs kabilang na dito ang Heritage Condominium Corporation sa Malate; First Marbella Condominium sa Roxas Boulevard at ang Harrison Lodge sa F.B Harrison.
Bukod sa mga ito, kasama rin sa napadalhan ng NOVs ang Ma. Natividad Building sa Ermita, Manila; Marina Square Properties Inc. sa Malate, Manila; Federal Land, Inc. sa San Rafael, Pasay; Gold Quest Premiere Resources Inc. at Libertad Tourist Development Inc. na kapwa nasa Barangay 76, Pasay at Wellcross Freight Corp. sa Harrison St., Pasay.
Kabilang naman sa mga nabigyan ng EPOs ay ang Aloha Hotel sa Roxas Boulevard; Sarmiti Food Corporation (Shawarma Snack Center) sa Ermita at Orix Auto Leasing Phils. Corp. sa Pasay City.
Sinelyuhan ang mga faucets, outfall pipes, sinks at lavatories ng mga nabanggit establisiyamentong nabigyan ng CDOs. Pagbabayarin din ang mga ito ng halagang P20,000 hanggang P200,000 kada araw hanggang maisaayos ng mga ito ang kanilang ginawang paglabag.
“However, if the result of the water sampling indicates an exceedance of the effluent standards by about five times, an Ex-Parte Orders shall be imposed, and for non-compliance with any of parameters a Notice of Violation shall be issued,” sabi pa ni Medina.
Ayon kay Medina, ang mga establisyemento na binigyan ng EPO ay may 15 araw na magsumite ng kanilang explanasyon at remedial plan.
Sa kabuuan, umabot na sa 63 establisyamento ang napatawan ng LLDA ng mga paglabag simula ng umpisahan ang rehabilitasyon ng Manila Bay noong Enero 27 ng kasalukuyang taon, kabilang dito ang 16 na CDOs, 12 EPOs at 35 NOVs. ###