Muling pinaalalahanan ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang mga negosyante at residente sa Boracay na sundin ang mga ipinatutupad na batas at alituntunin ng gobyerno upang makumpleto ang isinasagawang rehabilitasyon ng isla.
Ang paalala na ito ni Cimatu, na siya ring namumuno sa Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ay dahil narin sa pagpapasara sa mga establisiyamento na walang kaukulang permiso sa gobyerno.
“I once said that Boracay will never be a “cesspool” again, but we need all the support and cooperation of everybody to sustain the gains we have made from the massive rehabilitation we have done to the island. Let us continue to be guardians of the island and prevent it from sliding back,” ayon kay Cimatu.
Noong Martes nang ipasara ng BIATF sa pakikipag-ugnayan sa local na pamahalaan ng Malay, Aklan ang sampung pasaway na establisiyamento na kinabibilangan ng Bella’s Bar and Restaurant, Old Captain Cuisine, Ken Minimart, Ken St., Island Staff Restaurant, Coco Spa, Kim Ji Man, W Hostel Boracay Dragon, VIP Souvenir Shop at ang YH World Network Service, Inc.
Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Group General Manager Natividad Bernardino nanamuno sa grupo na nagbigay ng closure order, ang pagpapasara sa mga pasaway na establisiyamento ay base narin sa kautusan ni Cimatu kaugnay ng mga ulat na may mga Chinese business na nagkalat sa isla na ang karatula at menu ay nakasulat sa Chinese characters at nagbibigay lamang ng serbisyo sa mga Chinese tourists.
Aniya, kapansin-pansin din ang pagdami ng bilang ng mga Chinese at Korean nationals na nagtatrabaho bilang tour guides, restaurants chefs at staff.
Sinabi pa nito, binuo ng BIATF ang ad hoc committee noong Abril 25 na siyang mangangasiwa sa pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga posibleng paglabag ng mga “foreign-run businesses” kabilang na ditto ang mga turista ng nananatili at nagtatrabaho sa isla ng walang kaukulang work permits at visa.
Binubuo ang komite ng mgarepresentante mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP), Bureau of Immigration, (BI), DENR at ng local government ng Malay, Aklan.
Ayon pa kay Bernardino, noong Mayo 7 hanggang Mayo 9 nang magsagawa ng inspeksiyon ang Boracay Inspection Committee na pinangunahan ng DILG sa 49 na establisiyamento na mayroong “foreign business name signage” at sampu sa mga ito ang napatunayang nag-ooperate nang walang kaukulang mayors’ permit habang 14 naman sa mga ito ang hindi pa kumpleto ang mga kailangang dokumento mula sa LGU at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ibinigay na rin ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III kay Malay Mayor Abram Sualog ang listahan ng mga pasaway na establisiyamento para maisyuhan ang mga ito ng closure order.
“We cannot allow flagrant violation by foreign nationals of our country’s laws and regulations, especially in the island which we have painstakingly rehabilitated,” sabi pa ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III.
Base sa island tourism statistics mula Enero hanggang Marso 2019, dominado ng mga Chinese at Korean nationals angmga foreign visitors sa Boracay na mayroong 56% at 37% ayon sa pagkakasunod habang ang natitirang porsiyento ay kinabibilangan naman ng mga turista na nagmula sa United States of America, Russia at United Kingdom. ###