Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ginanap na cleanup activity sa Baseco Compound, Tondo, Manila noong Miyerkules (Pebroro 6) kung saan ay umabot sa 550 sako ng basura ang nakuha ng mga naglinis bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay.
Bukod sa Task Force DENR Metro Manila (TF-DEMM) ay nakipagtulungan din ang mga volunteers at residente ng Barangay 469 sa Manila na pinamumunuan ni Chairwoman Diana Espinosa, sa isinagawang cleanup activity.
Itinalaga ni DENR Secretary Roy A. Cimatu ang TF-DEMM upang pigilan ang pagtatapon ng dumi sa dagat bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ang mga naturang basura ay nakuha sa kilometer-long coastline area ng Baseco Compound na may laking 56 ektarya ng lupa na kinatitirikan ng mga bahay ng 59,000 katao.
Ayon sa TF-DEMM, ang ginanap na clean-up ay isang stratehiya upang mapababa ang polusyon sa Manila Bay kung saan ang Baseco Compound ang itiniturong isa sa mga dahilan ng mataas ng fecal coliform level sa karagatan.
Umabot sa 7.9 million Most Probable Number (MPN) kada 100 milliliter ang naitalang pinakamataas na level ng fecal coliform count mula sa tubig dagat sa Baseco Compound, particular sa malapit sa barangay hall. Mayroong 13 water quality monitoring stations ang DENR sa lugar.
Bukod sa isinasagawang cleanup activities ng DENR ay naghahanap din ng paraan ang mga kinauukulan upang mabigyan ng solusyon ang problema ng mga informal settlers sa naturang lugar. ###