Hinikayat ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang mga gobernador ng mga probinsiyang climate vulnerable o iyong madalas tamaan ng bagyo na ganap na magpatupad ng programa na makatutulong upang ilayo ang mga komunidad mula sa kalamidad at iligtas ang mga susunod na henerasyon mula sa malubhang epekto ng climate change.
“Nararamdaman na natin ang climate change at patuloy na mararanasan sa mga susunod pang henerasyon. Samakatuwid, obligasyon nating ipatupad ang programang ito nang sa gayon ay magabayan natin ang susunod na henerasyon,” ani Cimatu na nagbabala na ang susunod na henerasyon ang dadanas ng pinakamalala at pinakamalaking epekto ng climate change.
Nanawagan si Cimatu sa ginanap kamakailan na planning and convergence budgeting on the Risk Resiliency Program (RRP) para sa walong pangunahing climate vulnerable na mga probinsiya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) central office, Quezon City.
Kabilang dito ang probinsiya ng Masbate, Sorsogon, Negros Oriental, Samar, Saranggani, Surigao del Sur, Surigao del Norte at Dinagat Islands. Ang mga nabanggit na probinsiya ay madalas tamaan ng mga kalamidad katulad ng pagbaha, pagguho ng lupa dulot ng pag-ulan, daluyong ng bagyo o storm surge at tagtuyot.
Sinabi ni Cimatu sa mga punong panlalawigan na may pangmatagalang bunga para sa mga susunod na henerasyon ang kanilang magiging desisyon ngayon. Si Cimatu ang tagapangulo ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR).
“Simulan at ipamana ninyo ang ganitong programa sa inyong mga probinsiya. Ito ang magsisilbing gabay sa susunod na henerasyon upang makamit ang ating layunin, ang gustong maisakatuparan ng gobyerno sa programang ito,” ani Cimatu.
Ang RRP ay isang convergence program ng Cabinet Cluster on CCAM-DRR. Tunguhin nitong mapatatag ang natural na sistema at ang kakayahang umangkop ng mga mamamayang nakatira sa mapanganib na komunidad upang sugpuin ang nakaambang peligro at kalamidad.
Maliban kay Cimatu at mga gobernador ng climate vulnerable na mga probinsiya, ang pagpupulong ay dinaluhan din ng mga kinatawan mula sa Department of Agriculture, National Economic Development Authority, Department of Public Works and Highways, at Department of Interior and Local Government.
“Kinakailangan pa nating magsumikap upang maging mas matatag, patuloy na makipagtulungan at makiisa sa mga pangunahing sangay ng gobyerno sa ating mga probinsiya. Sama-sama tayo sa trabahong ito at sama-sama rin sa paglutas ng problemang ating kinakaharap,” banggit ni Cimatu na ipinaalalang ang pagpapatampok sa issue ng climate change at disaster resilience ay “isang importanteng tungkulin ng bawat isa.”
Inilahad ng mga gobernador sa nasabing pagpupulong ang kasalukuyang kalagayan ng climate vulnerabilities sa kani-kaniyang mga nasasakupang probinsiya.
Layunin ng pagtitipon na mapag-usapan ang climate vulnerabilities sa mga nabanggit na probinsiya, at mas patibayin ang tunguhin ng gobyerno na maging mas masinop sa paggamit ng pondo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno sa pagpaplano, pagba-badyet at pagsasakatuparan ng priority resilience program at projects sa kanilang mga probinsiya.
Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang Cabinet Cluster CCAM-DRR Roadmap para sa taong 2018 hanggang 2022, na magsisilbing “mahalagang gabay sa mga ahensiyang magpapatupad ng mga programa at proyekto upang maitampok ang climate change at disaster risk reduction tungo sa mga komunidad na matatag at may kakayahang umangkop.”
Ang Roadmap ay naglalayon ding magtatag ng climate-resilient na mga komunidad at mapatibay ang 17 mga probinsiya na madalas tamaan ng kalamidad kabilang na ang pangunahing sentrong kalunsuran katulad ng Metro Manila, Cebu, Iloilo at Davao. ###