Umabot sa 142 bagong pisang marine turtle na Olive Ridley (Lepidochelys olivacea) ang pinakawalan ng mga awtoridad sa isla ng Boracay sa magkahiwalay na okasyon noong Pebrero 2 at 7 ng kasalukuyang taon.
“This is a good sign that the Island of Boracay is recovering from environmental decay. We are now witnessing the return of marine turtles or pawikan, particularly the Olive ridley, which is considered a threatened species,” sabi ni DENR-Region 6 Executive Director Francisco Milla.
Base sa ulat, ang unang 80 bagong pisang marine turtle ay nadiskubre ng mga empleyado ng Under the Star Luxury Apartment sa harapan ng kanilang establisiyamento noong gabi ng Pebrero 1. Maliban sa isang nakitaan ng pananamlay, ang mga batang pawikan ay agad ng pinakawalan kinabukasan sa karagatan sa Sitio Tambisaan, Barangay Manoc-Manoc.
Ang matamlay na batang pawikan, na pinangalanang Paw-Paw, ay kasalukuyang nasa pangangalaga ni LGU-Malay’s Marine Biologist Haron Deo N. Vargas.
Sumunod na nagpakawala ng 63 Olive Ridley ang mga kinatawan ng LGU-Malay at Shangri-La Boracay Resort and Spa noong Pebrero 7 sa Bayugan Beach, na matatagpuan sa Barangay Yapak.
Ang Olive Ridley ay isa sa limang uri ng marine turtles na makikita sa iba’t-ibang karagatan ng bansa. Idineklara na rin itong endangered species (vulnerable) dahil na rin sa pagbabagong ginagawa sa mga pampang, pagkuha sa itlog ng mga ito at ang pagkagambala ng mga naturang pagong sa mga gamit pangisda.
Noong Abril 26 na nakalipas na taon nang pansamantalang ipasara ang Isla ng Boracay upang bigyang daan ang gagawing rehabilitasyon base na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Makalipas ang anim na buwan, noong Oktubre 26, 2018, matapos ang malawakang operasyon at rehabilitasyon na ginawa ng Boracay Inter-Agency Task Force, na pinamunuan ni DENR Secretary Roy A. Cinmatu ay muling binuksan ang Isla ng Boracay sa publiko. ###