Naaresto ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Customs (BOC) ang isang pasahero dahil sa pagtatangka nitong maipasok sa bansa ang 57 piraso ng iba’t-ibang uri ng hayop mula sa Thailand.
Ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9147, o Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act ay nakilalang si Neil Ryan Dysoco na lulan ng PR-737.
Ayon sa nakalap na impormasyon kay Arnel Matreo, hepe ng Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU) ng DENR-National Capital Region (NCR), dakong 11:30 ng gabi noong Pebrero 21 nang maaresto ang suspek sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng BOC, galing sa Bangkok, Thailand ang suspek kung saan ay kasama sa bagahe nito ang apatnapu’t-walong (48) green iguana, dalawang (2) green basilik, tatlong (3) bearded dragon at apat (4) na chameleon.
Sinabi pa ni Matreo, tinangka ng suspek na ipasok sa bansa ang mga naturang hayop ngunit nang mamataan ng BOC ang laman ng bagahe nito ay agad na ipinaalam sa kanilang tanggapan ang pagkakatuklas sa iligal nitong dala.
Nang makumpirma na iba’t-ibang klaseng hayop ang laman ng bagahe ni Dysoco ay agad itong inaresto at kinumpiska ang kanyang mga dala.
Nakatakdang dalhin sa Biodiversity Management Bureau (BRB) Rescue Center ang mga nailigtas na mga uri ng reptiles habang inaalam pa ng mga awtoridad saan nakatakdang dalhin ng suspek ang mga dala nitong hayop. ###