Inalerto ni Secretary Roy A. Cimatu ang lahat ng regional offices ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa posibleng pagkakaroon ng forest fires sa kanilang nasasakupang lugar dulot ng epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Kasabay nito, inatasan din ni Cimatu ang lahat ng executive directors ng 16 na DENR regional offices para sa region-wide assessment at updating ng kanilang forest protection plans upang maagapan ang tagtuyot na dulot ng El Niño na maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng wild fires.
“Our teams should always be ready for deployment to suppress incidents of outbreaks, particularly grassfires, to prevent them from crossing over to forested areas and turn into full-blown forest fires,” sabi pa ni Cimatu.
Pinagbilinan pa ng kalihim ang kanilang field officials na bigyan ng prayoridad ang mga lugar sa loob ng protected areas at ang mga nabigyan ng rehabilitasyon sa ilalim ng Enhanced National Greening Program (ENGP).
Aniya, maging ang fire brigades ng ENGP sites ay inalerto rin ng kalihim kung saan ay gagamitin ang 3,350 regular forest guards na tutulong sa mga emergency workers na nabigyan ng trabaho dahil sa programa.
Noong isang taon ay isinaayos ng DENR ang kanilang abilidad sa forest fire fighting sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagong kagamitan tulad ng fuel-powered grass cutter, collapsible fire pump, fire swatters, pick and scrape shovels, axes, rake hoes, fire helmets, heat resistant goggles, brush masks at thermal working globes. Ang mga nasabing gamit ay ipinamahagi sa 74 na Provincial Environment and Natural Resources Offices (PENROs) at 140 na Community Environment and Natural Resources Offices (CENROs) sa buong bansa.
Sinundan ito ng administrative order ni Cimatu upang gumamit ng makabagong technolohiya para sa forest and biodiversity protection sa pamamagitan ng paggamit ng digital technology-based forest monitoring system na tinawag na “Lawin Forest and Biodiversity System”.
Sa ilalim ng Lawin system, ang mga forest areas na nasa panganib katulad ng forest fires at iba pang iligal na gawain ay minamarkahan at tinatandaan.
Kabilang sa mga minamanmanang aktibidad sa mga kabundukan na maaaring ikasira nito ay ang fuel wood gathering, kaingin making, charcoal making, honey collection, camping and recreation, pasture preparation at hunting.
Sa kasalukuyan ay aabot na sa 5,000 Lawin patrollers na sumasakop sa 124,000 kilometers ng forest lines ang namamanmanan simula noong nakalipas na taon.
Samantala, inatasan na rin ni Cimatu ang PENROs at CENROs na paigtingin ang kanilang kampanya at koordinasyon sa mga local government officials hanggang sa barangay level upang maipakalat ang impormasyon at community awareness para mapigilan ang pagkakaroon ng forest fires.
“Community support will spell the difference if we will succeed or not in this fight as what we have witnessed in the rehabilitation of Boracay and Manila Bay,” saad pa ng kalihim.
Ipinag-utos na rin ni Cimatu sa Mines and Geosciences Bureau na muling pag-aralan at imonitor ang mga mining companies kung sumusunod ba ang mga ito sa kanilang naaprubahang Environmental Protection and Enhancement Program (EPEP), kabilang na dito ang pagsasagawa ng forest fire prevention measures at ang pagkakaroon ng imbentaryo ng kanilang mga fire fighting tools.
Noong Pebrero 20 nang magkaroon ng forest fire sa 125 ektaryang kagubatan na pinatatakbo ng Philex Mining Company sa Itogon, Benguet simula pa noong 2014. Limang Philex forestry workers ang namatay sa sunog na tumagal ng 21-oras. ###