Tiniyak ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu na magtutuloy-tuloy ang ginagawang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay kahit na sinimulan na ang Manila Bay cleanup.
“We know the roads are still dusty. We ask for patience, [the Boracay rehabilitation] is still a work in progress,” sabi ni Cimatu nang magsagawa ng ikalawang pulong para sa taong 2019 ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na ginanap sa Taguig City.
“The task force members still meet regularly to monitor the implementation of our plans in restoring the island and review policies or regulations,” dagdag pa nito.
Si Cimatu ang itinalagang chairman ng BIATF, habang sina Secretaries Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Berna Romulo-Puyat ng Department of Tourism (DOT) ang mga co-chair.
Bukod sa mga ginagawang regular meeting, ang mga opisyal ng 11 BIATF ay personal ding bumibisita sa isla upang masubaybayan ang patuloy na rehabilitasyon ng Boracay.
Kabilang sa mga progreso sa isla na iniulat ni Cimatu ay ang ginagawang government hospital na inaasahang matatapos sa Hunyo na siyang mangangasiwa sa medical needs ng mga turista at empleyado.
Aniya, nakatakda na ring tanggalin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sanga-sangang kable ng kuryente at ilalagay ito ilalim ng lupa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DPWH sa mga electric companies upang matukoy ang mga electric poles na maaapektuhan ng road widening.
Ayon kay DPWH Assistant Regional Director Al Fruto, sa unang bahagi ng rehabilitasyon ng Boracay ay nakumpleto na ng kanilang ahensiya ang four-kilometer main road mula Cagban Jetty Port hanggang Elizalde property, kabilang ang 600-meter road sa kahabaan ng Bulabog beach.
Sinabi pa ni Fruto, layunin din ng kanilang ahensiya na maglagay ng limang kilometrong sidewalk na maaari nang magamit sa kalagitnaan ng Marso at ang kabuuang 15 hanggang 20 kilometers ng kalsada na matatapos sa katapusan ng dalawang taong rehab period.
Samantala, iniulat naman ni Puyat na nitong Pebrero 11 ay nakapag-accredit na ang DOT ng 300 establisiyamento na may kabuuang 11,600 na kuwarto.
Nabigyan na rin ng persmiso ang tatlong events sa isla na kinabibilangan ng Frisbee competition at kiteboarding tour na gaganaping sa Marso 1 at ang fashion week na idaraos naman sa Abril 29 hanggang Mayo 1.
Bukod dito, pinagbawalan na rin ng DOT ang mga cruise ships na bumisita sa isla sa mga susunod na petsa: Abril 16-23 kabilang na dio ang Holy Week, summer mula Abril 24 hanggang May 31, All Saints at All Souls Days mula Octubre 26 hanggang Nobyembre 8 at sa Nobyembre 23 hanggang Disyembre 19 kung saan gaganapin ang Southeast Asian Games.
Kinumpirma din ni Cimatu na ang DENR at DILG ay tinukoy ang 10 establisiyamento na idedemolis dahil sa hindi pagsunod sa regulasyon ng “easement” sa kahabaan ng beach at kalsada.
Kabilang sa mga ito ang Boracay Plaza Resort, Willy’s Rock Resort, Little Prairie Inn, Watercolors Dive Shop, Blue Lily Hotel, True Home, Exclusive Dawn VIP Boracay Resort, New Wave Divers, Steve’s Cliff at Calveston International.
Sinabi pa ni Cimatu, ilan sa mga resort na ito ang patuloy na nag-ooperate kahit na may mga paglabag. Binigyan ang mga ito ng 15 araw upang mag-demolis at kapag hindi ay ang gobyerno na mismo ang magdedemolis sa kanilang pag-aari.
Ayon naman kay Año, ito na ang panahon para sa mga lumabag na tapusin ang pagdemolis ng kanilang mga pag-aari.
Aniya, bumuo na rin ng task group ang law enforcement agencies na siyang magpapatupad ng lahat ng ordinansa at regulasyon sa tinatawag na “discipline zone”. ###