Pinalakas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang panawagan para sa “water security” upang may magamit sa hinaharap kasabay ng mahabang pagdiriwang para sa selebrasyon ng 2019 World Water Day (WWD) nitong Biyernes (Marso 22).

Ang selebrasyon ng WWD ngayong taon ay layuning maipatupad ang 2030 Agenda for Sustainable Development (ASD) na nananawagan para sa sama-samang pagkilos ng lahat ng bansa na wakasan na ang kahirapan at lutasin ang problema sa climate change nang walang maiiwan sa hulihan.

Iba’t-ibang aktibidad ang gagawin na sinimulan noong Marso 15 hanggang 31 na layuning mapataas ang kamalayan sa importansiya ng tubig at mapaunlad ito, matutukan ang 6th sa 17 Sustainable Goals ng 2030 ASD upang matiyak na mapangalagaan ang tubig para sa lahat pagdating ng 2030.

Nakasentro ang mga aktibidad sa temang “Hawak-Kamay, Tubig-Kaagapay” bilang suporta sa 2019 WWD’s international theme na “Leaving No One Behind” na bubuo sa nilalaman ng 2030 ASD.

Kabilang sa mga aktibidad ay ang World Water Day Awards nitong Biyernes (Marso 22) at ang paglulunsad ng “The Battle for Esteros” na gaganapin sa Marso 31 kung saan ay sabay-sabay na lilinisin ang 65 esteros at waterways sa National Capital Region (NCR).

Pasisimulan ng mga concerned barangay executives at mga residente ang gaganaping cleanup kasama ng mga opisyal at empleyado ng DENR, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) na ipakakalat para sa cleanup.

Ang award-giving event ay kumikilala sa 20 indibidwal, institusyon at programa na gumawa ng hakbang upang maging kapaki-pakinabang ang tubig sa Pilipinas na gaganapin sa Novotel Manila, Araneta Center sa Quezon City.

Simula noong 2015 ay umabot na sa 54 “water champions” ang kinilala kabilang na dito ang mga pinuno ng indigenous peoples, community workers, media personalities, local government units at academe based organizations.

Kabilang sa mga ipagkakaloob na award ngayong taon ay ang: KAVANTOG DO’T AWED ( Ovu Manubo term for “Hero of the Water”); Kaagapay sa Tubig Kanlungan; Kampeon ng Lawa; Huwarang Lingkod Tubig; Kampeon ng Katubigan; Huwarang Lingkod; Planet-Wise Organization; Water Leadership Award; Huwarang Alagad ng Ilog Pasig; Water Warrior Award for Advocacy Leadership at ang Kaagapay sa Tubig Kanlungan.

 

Ilan pa sa mga aktibidad para sa WWD 2019 ay ang Tubig Para sa Lahat (coffee table book and an exhibit at the DILG Central Office; Marso 18-22); Water Philippines 2019 Expo and Conference sa SMX Convention Center sa Pasay; March 20-22; DPWH Cleanup and Hiking Activity sa Mount Pulag National Park sa Benguet; Marso 23-24 at ang 20-kilometer bike tour and cleanup “Padyak Para sa Katubigan” na magmumula sa DENR Central Office sa Quezon City at magtatapos sa Navotas Centennial Park sa Navotas City. ###