Nagtagumpay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagsampa ng kaso laban sa wildlife trader na nahuli noong Hulyo ng nakalipas na taon na nagbebenta ng buhay na green iguana na itinuturing na kabilang sa mga “endangered species”.
Malugod namang nagpasalamat si DENR Secretary Roy A. Cimatu sa naging desisyon ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 36 na kung saan ay napatunayang lumabag sa Republic Act 9147 o mas kilala sa tawag na Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 ang akusadong si Harriet Shelley Velarde.
Ang RA 9147 ay ang batas na nagbabawal sa pagpatay, pananakit, pangongolekta, pagbebenta at pagbiyahe ng anumang wildlife species na itinuturing na endangered at
nanganganib na maubos.
Si Velarde ay hinatulang mabilanggo ng isang taon at isang araw hanggang dalawang taon, at pinagbabayad din ng korte ng halagang P200,000.
Nagpasalamat si Cimatu sa naging desisyon ng korte dahil isa itong tagumpay ng ahensiya. Kasabay nito ay pinuri nya ang Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR na patuloy ang ginagawang pagbibigay ng proteksiyon sa wildlife species partikular na ang mga endangered.
Base sa rekord, si Velarde ay naaresto noong Hulyo 18, 2018 sa isang entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD), matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagbebenta ito ng mga endangered species sa Quezon City.
Agad na nagplano ng operasyon ang NBI-EnCD at ang Philippine Operation Group on Ivory and Illegal Wildlife Task Force, na kilala rin sa tawag na POGI, sa harapan ng isang sari-sari store sa Barangay Sangandaan, Project 8, Quezon City.
Sa entrapment operation, isang asset ang nagpanggap na bibili ng green iguana sa halagang P10,000. Nang akma nang tatanggapin ni Velarde ang pera ay agad itong inaresto ng mga awtoridad.
Ang Task Force POGI ay binubuo ng grupo ng enforcers mula sa BMB, NBI-EnCD at Philippine National Police na may responsibilidad na hulihin ang mga iligal na nagbebenta ng wildlife species.
Wala ring naipakitang certificate of wildlife registration at iba pang permit mula sa DENR si Velarde upang mabigyan ng katwiran ang pangangalaga nito ng green iguana na itinuturing na endangered sa National List of Threatened Animal Species sa ilalim ng Administrative Order 2004-15.
Nakatala rin bilang endangered ang green iguana sa Appendix II ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES). Napag-alamang ito ay mula pa sa South America, at iligal na dinala patungong Pilipinas.
Naglabas rin ng certification si BMB Director Crisanta Marlene Rodriguez na hindi binibigyan ng permiso si Harriet Shelly Velarde upang mangolekta, mag-ingat, magbiyahe at magtinda o mangalakal ng wildlife species.
Sa naging desisyon ni Presiding Judge Carlo Villarama noong nakalipas na Marso 13, napatunayan ng korte na lumabag si Velarde sa iligal na pagbebenta ng buhay na green iguana.
Hindi naman pinaniwalaan ng korte ang naging alibi ni Velarde na hindi sa kanya ang nakumpiskang wildlife species.
“The bare denial of the accused carries little weight as against the overwhelming positive testimonies of the prosecution witnesses,” sabi pa ng korte.
Tumayong saksi sa ginanap na paglilitis ang mga opisyal ng BMB, NBI-EnCD at ang Task Force POGI na kasama nang isinagawa ang entrapment operation.
Noong nakalipas na taon, naging matagumpay ang DENR at ang mga partner law enforcement agencies sa pagsasagawa ng 10 operasyon; pag-aresto ng 15 na lumalapastangan sa batas tungkol sa wildlife; pagkumpiska ng 2,000 piraso ng iba’t-ibang uri ng wild animals, mahigit 3,000 halaman at 100 kilo ng karne ng marine turtle meat na umaabot sa halagang P57 million; at pagsampa ng pitong kaso laban sa 15 katao.
Kamakailan din ay nakakumpiska ang Bureau of Customs at ng DENR Task Force POGI ng 1,500 piraso ng pagong sa Ninoy Aquino International Airport, at nanalo rin ito sa kasong isinampa sa nagbebenta ng Malay monitor lizard o bayawak. ###