Patuloy sa pagbuti at pagganda ng Boracay matapos ang isang taon ng isinasagawang rehabilitasyon, ayon na rin kay Department of Environment and Natural Resources (DENR)
Secretary Roy A. Cimatu.

“Much has changed in Boracay since we started and I am happy that we are able to sustain the gains we achieved since we reopened in October last year,” sabi ni Cimatu noong
Abril 26 kung saan ginugunita ang pagpapasara sa isla ng anim na buwan upang sumailalim sa rehabilitasyon.

Ayon pa kay Cimatu na namuno din sa itinatag na Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na nangasiwa sa rehabilitasyon ng isla, patuloy ang pagbaba ng coliform level sa
tubig ng Boracay base na rin sa isinagawang water quality monitoring ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR.

Aniya, ang pinakamataas na coliform level na naitala sa Boracay ay 40 most probable number per 100 milliliters (mpn/100ml). Ang tinatawag na “safe level” ay 100 mpn/100ml
para sa Class SB water na maaaring paglanguyan, skin diving at iba pang libangan sa tubig.

Iniulat pa ng kalihim na “No algae year-round, it is really the dirty water which is causing what used to be a natural occurrence.”

Sinabi din ni Cimatu na ang kahabaan ng Boracay’s White Beach ay ligtas na para sa swimming at umaasa pa ito na ang Bulabog Beach na kasalukuyang ginagamit sa water sports
ay maideklara ring swimmable sa hinaharap.

Sa kasalukuyan, 51 establisiyamento na sa kahabaan ng White Beach ang mayroong sariling sewage treatment plants (STPs) habang ang iba ay nakakonekta na sa sewer line.
Umabot naman sa 42 establisiyamento sa ibang lugar sa isla ang may sarili na ring STPs.

Ayon kay Cimatu, nabigyan din ng demolition orders ang mga establisiyamentong lumabag sa 25+5 meter easement rule sa kahabaan ng White Beach at Bulabog Beach, halos
lahat ng mga ito ay pinili ang self-demolish. Ang mga lumabag naman sa 12-meter road easement ay inatasan din na tanggalin ang kanilang mga istraktura.
Aniya, ang construction ng Circumferential Road ay nagpapatuloy. “Last year, it would take tourists an hour to reach their hotels because of traffic congestion. Now it would
only take 20 minutes because of the paved and cleared roads,” sabi pa nito.

Napag-alaman din na ang kalsada mula sa Cagban Port hanggang Hue Hotel ay 95 percent na; 95 percent na rin ang kalsada mula Hue Hotel hanggang sa Elizalde property at
ang tinatawag na Missing Gap ay 95 percent na din.

Patuloy naman ang pagpaplano upang magamit ng buong taon ang Cagban Jetty Port na nagagamit lamang sa panahon ng Amihan o dry season mula Nobyembre hanggang Abril na ginagawa ring alternatibo sa Tagbisaan Jetty Port na nagagamit naman tuwing Habagat o wet season simula buwan ng Mayo hanggang Oktubre.

Bagama’t marami na ring naisaayos, sinabi ni Cimatu na mas marami pa rin ang gagawin sa Boracay upang mapanatili ang pagiging “world-class ecotourism destination” ng
isla.

“Although we have reopened Boracay to global tourism, the rehabilitation of Boracay is not yet complete and remains a work in progress,” sabi nito.
“What we have accomplished thus far has earned commendations, but building sustainability requires time as well as the continuing support of the people of Boracay,”
dagdag pa ng kalihim.

Ginunita rin ng gobyerno sa pamamagitan ng BIATF ang unang taon ng pagpapasara sa Boracay kung saan ay mayroong isang linggong selebrasyon para sa “conservation at
sustainability”.

May mga programang inilaan para sa kauna-unahang “Sustainability Week” na nagsimula noong Abril 26 at natapos nitong Mayo 1.
Nais ng BIATF na gawing simple ang paggunita sa “Sustainability Week” hindi katulad ng “Laboracay” na ipinagdiriwang tuwing Labor Day weekend.

Ang Laboracay ay isang taunang pagdiriwang kung saan ay nagkakaroon ng beach parties na humihikayat sa mga turista upang dumagsa sa Boracay.
Para sa Sustainability Week, hahatiin ng BIATF ang mga turista sa magkakahiwalay na lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad partikular na sa mga plaza, gym at iba pang
espasyo.

Hindi naman papayagan ang parties sa beachfront. Lahat ng aktibidad ay matatapos hanggang alas 12:00 ng hatinggabi.

Pinaalalahanan rin ng BIATF ang mga nasa isla na panatilihin ang kalinisan na mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng DENR-LAWIN at ng Malay-Solid Waste teams.
Nasubukan din ng mga turista ang kanilang panlasa sa isinagawang banchetto food festival na inisponsoran ng Boracay Foundation sa kahabaan ng Laketown Road.
Nakapagpatala rin ang mga ito para sa libreng sakay mula sa D’Mall patungo sa iba’t-ibang lokasyon.

Kabilang pa sa mga kaganapan sa isang linggong selebrasyon ang Zumba session, paraw-sailing and dive festival, Ati-atihan parade, sports competition, symposium at mini-
concert. ###