Nagsanib puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Rotary International District (RID) 3780 sa paglilinis ng mga waterways sa Quezon City na dumadaloy sa Manila Bay, na kasalukuyang dumadaan sa rehabilitasyon.
Ang RID 3780, na kinabibilangan ng 104 Rotary Clubs sa Quezon City, ay lumagda kamakailan ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang DENR, na naglalayong linisin ang 118 kilometers na waterways sa apat na Quezon City watershed na mayroong 14,700 ektarya sa ilalim ng “Adopt-An-Estero” program ng ahensiya.
Kasama sa mga lugar na lilinisin ay ang Barangay Culiat, Pasong Tamo Creek, Tullahan-Tinajeros River at iba pang lugar na konektado sa mga naturang daluyan ng tubig.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, malaki ang maitutulong ng pakikipagsanib puwersa ng RID 3780 sa isinasagawang Manila Bay rehabilitation program.
“We are recognizing the role of the private and community sectors when it comes to forging partnerships with them. Without their assistance, we would not be able to achieve a cleaner and safer metropolitan environment,” sabi ni Cimatu na lumagda sa MOA bilang kinatawan ng DENR.
Naging representante naman ng RID 3780 si District Governor Pastor Mar Reyes, Jr. na siyang lumagda sa MOA bilang kinatawan ng kanilang mga opisyal sa ginanap na selebrasyon ng Earth Day noong Abril 24 na idinaos sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.
Base sa nakasaad sa MOA, maglalaan ang DENR ng technical assistance sa RID 3780 upang mabawasan ang polusyon sa mga lugar na bahagi ng kasunduan, kabilang na dito ang mahigpit na pagpapatupad ng solid waste management law, water quality monitoring, koordinasyon sa lokal na pamahalaan at ang pagsasagawa ng environment education activities.
Titiyakin naman ng RID 3780 na ang bawat Rotary Club na kanilang nasasakupan ay magkakaron ng private sector partner-stakeholder na kanilang magiging katuwang sa implementasyon ng programa sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang corporate social responsibility funds.
Magiging tungkulin din ng RID 3780 na magkaroon ng maayos na ugnayan sa mga apektadong komunidad, pagpapalawak sa sakop ng mga lugar na lilinisin na siyang gagawing modelo ng iba pang watershed sa Metro Manila.
Ang Adopt-an-Estero o ang Water Body Program ay itinatag noong 2010 na layuning magkatulungan ang mga komunidad sa estero, lokal na pamahalaan, iba pang government agencies at ang DENR.
Bahagi din ang naturang programa ng inilabas na “mandamus” ng Supreme Court (SC) na nag-aatas sa DENR at iba pang ahensiya ng gobyerno na linisin ang Manila Bay partikular na ang mga estero at waterways na dumadaloy patungo sa naturang baybayin.
Kamakailan din ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglilinis ng Manila Bay kasabay ng pagbibigay ng babala sa mga establisiyamento sa paligid ng baybayin na sumunod sa mga batas pangkalikasan upang hindi maisara ang kanilang negosyo.
Bilang tugon ay inilunsad ng DENR ang “Battle for Manila Bay” na mayroong tatlong bahagi na ang layunin ay maibaba ang fecal coliform level sa 100 most probable number (MPN)/100 milliliters mula sa 330 MPN/100ML. ###