Ipagdiriwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang selebrasyon ng International Day for Biological Diversity sa Mayo 22 sa pamamagitan ng isang food fair kung saan itatampok ang mga pagkain mula sa “biological resources”.
Ang gaganaping kasiyahan ay tatawaging “Samu’t Saring Tikim Fair” na may layuning ipakilala at tanggapin ang kahalagahan ng biodiversity bilang pinagkukunan ng pagkain para sa maayos na kalusugan.
Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, napapanahon ang gaganaping selebrasyon ng IDBD 2019 na may temang “Our Biodiversity, Our Food, Our Health”, dahil sa pamamagitan nito ay maimumulat ang sambayanan para sa mga masusuntansiyang pagkain na nagbibigay ng maayos na pangangatawan.
“This year’s celebration offers a timely reminder on the importance of effective management of the country’s rich biodiversity, especially when it comes to achieving food security,” ayon kay Cimatu.
Sinabi pa nito: “As we observe IDBD, we are reminded of the limited resources we have as human beings when it comes to one of the top basic needs—food. We therefore continue to sustainably manage these limited resources for the benefit of our children and future generations.”
Gaganapin ang “Tikim Fair” sa darating na Mayo 22 na idaraos sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City na iisponsoran ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR.
Kabilang sa mga makikiisa sa gaganaping kasiyahan ay ang mga miyembro ng Asosasyon ng mga Nagkakaisang Magkakapitbahay ng Palanas sa Barangay Vasra, Quezon City; health and biodiversity advocates, DENR at BMB staff at mga miyembro ng media.
Ilan sa mga itatampok sa food fair ay ang cook festival kung saan ay magde-demo ang mga lokal na eksperto sa pagluluto, pagtuturo ng tamang diyeta para sa mga Filipino at ang mga tradisyunal na health practices at nature walk bago magtanghali.
Ilulunsad din sa pagdiriwang ang dalawang bagong libro tungkol sa biodiversity kabilang na dito ang “Public Parks and Green Open Spaces” na pinagtulungang gawin ng DENR at ng non-government organizations na Alliance for Safe, Sustainable and Resilient Environments (ASSURE) at ng Forest Foundation of the Philippines (FFP); at ang “Native Plants of Boracay Wetlands” na gawa naman ng Energy Development Corp at ng BMB.
Bilang bansang kasapi ng Convention on Biological Diversity (CBD) ay ipinagdiriwang ng Pilipinas ang IDBD tuwing Mayo 22 kung saan iprinoklama ng United Nations ang kahalagahan ng mga usapin sa biodiversity kasabay din ng petsang ito ang paggunita ng Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil. ###