Hiniling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga bagong halal na alkalde sa buong bansa na gawing prayoridad ang pagpapatupad ng environmental laws partikular na ang Republic Act 9003 o mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Pinaalalahanan din ni DENR Secretary Roy A. Cimatu ang mga lokal na opisyal sa kanilang tungkulin na nakapaloob sa RA 9003 para sa tinatawag na “systematic”, “comprehensive” at “ecological solid waste management program”.
Ayon kay Cimatu, base sa nakasaad sa naturang batas, ang mga local government unit (LGU) ang siyang responsable sa tamang paghihiwalay at pagtatapon ng basura sa kanilang nasasakupang lugar.
“We call on newly elected local officials to give priority to full and strict implementation of environmental laws, particularly on solid waste management,” sabi ni Cimatu.
Bukod sa RA 9003, inaasahan din ni Cimatu na mahigpit din ipatutupad ng mga LGU ang RA 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999 at ang RA 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004.
Kasabay nito, nanawagan din ang environment chief sa mga local government officials na nakasasakop sa Manila Bay na makipagtulungan sa DENR at sa inter-agency task force na naatasan sa rehabilitasyon ng nasabing baybayin.
“The task force cannot do it alone. We need the full cooperation of LGUs,” dagdag pa ni Cimatu.
Nagbabala naman si DENR Undersecretary for Solid Waste Management and LGU Concerns Benny Antiporda sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na maaari silang masampahan ng kasong administratibo at kriminal kapag nilabag ang mga probisyon sa RA 9003.
Hinikayat din nito ang mga bagong halal na opisyal na ipagbigay alam sa tanggapan ng DENR ang anumang paglabag sa RA 9003, partikular na ang pagkakaroon ng open dumpsite sa kanilang mga nasasakupang lugar.
“By doing so, these officials will send the right signal early on in their administration and that is they do not tolerate any wrongdoing,” ayon pa kay Antiporda.
Aniya, maaaring madamay ang mga bagong halal na opisyal sa kasong isasampa sa mga papalitan nila sa tungkulin kapag hindi ipinarating ng mga ito sa DENR ang mga paglabag sa RA 9003 sa kanilang lugar.
“We will go after both newly elected and outgoing local officials who violated environmental laws”. “Violators could face a jail term of up to three years,” saad pa nito.
Matatandaan na noong nakalipas na linggo nang maglabas ng cease and desist order ang DENR sa municipal government ng Limay sa Bataan dahil sa pag-o-operate ng open dumpsite malapit sa creek na patungo sa Mamala River na dumadaloy naman sa Manila Bay.
Ang pagkakaroon ng open dumpsite ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng RA 9003. Agad namang ipinag-utos ng DENR sa mga opisyal ng Limay, Bataan ang pagpapasara sa open dumpsite at ang rehabilitasyon sa mga naapektuhang lugar. ###