Makikiisa ang Pilipinas sa pagdiriwangng World Environment Day ngayong Miyerkules (Hunyo 5) kasabay ng paglaban sa polusyon sa hangin na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng ating mga kababayan.
Pangungunahan ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagdiriwang ngayong taon na may temang #BeatAirPollution.” Kasabay nito, naghanda na rin ang ahensiya ng mga aktibidad para sa paggunita sa Philippine Environment Month ngayong Hunyo.
Layunin ng World Environment Day at ng Philippine Environment Month ngayong taon na hikayatin ang mga tao na unawain ang epekto sa kalusugan at kapaligiran ng air pollution upang makagawa ng aksiyon para magkaroon ng malinis na hangin para salahat.
Noong 2018, nakapagtala ang World Health Organization (WHO) ng 120,000 kataong namatay sa Pilipinas dahil sa maruming hangin dahilan upang pumangatlo tayo sa buong mundo dahil sa naturang polusyon.
Kabilang sa mga sakit na nakukuha sa maruming hangin ay ang lung cancer, stroke, pulmonary disease at acute respiratory infections tulad ng pneumonia.
Upang maibsan ang problemang ito sa maruming hangin ay ipinatutupad ng DENR ang Republic Act 8749 o kilala rin sa tawag na Philippine Clean Air Act of 1999, na isang polisiya at programa na layuning mapanatili ang malinis na hangin para sa mga Filipino at mapababa ang masamang epekto ng air pollution sa ekonomiya ng bansa.
Mahigpit ding binabantayan ng DENR ang mga industriya kung sumusunod ba ang mga ito sa naturang batas kasabay ng pagmonitor ng air quality sa buong bansa.
Sa pagdiriwang ng Philippine Environment Month ay inilunsad ng EMB ang “Gusto Namin ng Malinis na Hangin Mask Challenge” kung saan ay hinihikayat ang publiko na gumawa at gumamit ng face mask na gawa sa recyclable materials.
Sa programang ito, hinihikayat ang publiko na magsumite ng kanilang entry sa pamamagitan ng photo o video na hindi hihigit sa 30 segundo na may kasamang pagsasalarawan kung paano mababawasan ang air pollution.
Maaaring isumite ng mga lalahok ang kanilang entry sa EMB Facebook page http://www.facebook.com/denrenvibureau/. Sampu sa mga kalahokang mapipili na makakakuha ng imbitasyon sa KANTALIKASAN album lunch at gift chequena P1,000bawatisa.
Sa darating na Hunyo 27 ay magsasagawa ang EMB ng Environment Fair sa mall sa Quezon City. Kabilang sa programa ang ZumVironment na isang zumba session para sa environmental advocates at publiko habang magkakaroon din ng exhibit para sa air pollution and health, film showing at youth lecture/forum.
Ilulunsad din ng EMB ang KANTALIKASAN album na naglalaman ng 10 environmental songs nananalo sa song writing competition na ginanap noong nakalipas na taon na kinanta ng Singing Ambassadors.
Ang World Environment Day ay unang ipinagdiwang noong 1974 ng United Nations ay layuning humikayat ng mga tao upang mapataas ang kamalayan at makahikayat para mabigyan ng proteksiyon ang ating kapaligiran habang ang Philippine Environment Month naman ay ipinagdiriwang tuwing Hunyo ng bawat taon sa pamamagitan ng Proclamation No. 237 na inilabas noong 1988. ###