Pinuri ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Luzon matapos na manalo ang radio program nito bilang “Best Public Affairs Program” sa katatapos lang na 27th Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ang “Earth Hour Central Luzon” na pinangangasiwaan ng Public Affairs Office ng DENR-Central Luzon ay isang oras na programa tuwing alas-9:00 ng umaga sa DWRW 95.1 FM, isang local radio station sa San Fernando, Pampanga. Ito ay sumasahimpapawid tuwing ikalawa at ikaapat na Martes ng bawat buwan.
Ayon kay Cimatu, isang malaking karangalan ang ibinigay ng Central Luzon office sa sa DENR sa pagkakakuha ng naturang parangal. Ang Golden Dove Awards sa prestihiyosong taunang kompetisyon sa radyo at telebisyon.
Aniya, ang tagumpay ng radio program na ito ay bahagi ng misyon ng DENR na makapagbigay ng imporasyon at maturuan ang publiko tungkol sa kapaligiran upang matuto ang mga ito na pangalagaan at ipagsanggalang ang ating kalikasan.
“We are thankful to KBP for recognizing our efforts to educate the public at large about the pressing environmental issues of the contemporary time. We are assuring everyone that we will continue this noble pursuit,” dagdag pa nito.
Samantala, nagpasalamat din si DENR Central Luzon Regional Executive Director Paquito Moreno sa KBP para sa binigay na parangal at sa publiko dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa naturang radio program.
Nagpasalamat din si Moreno kay Cimatu dahil sa patuloy nitong pagbibigay ng gabay at direktiba upang mahikayat ang kanilang rehiyon na gawin ang lahat ng makakaya para makapag serbisyo sa publiko.
“This award will further boost our public affairs program to sustain our efforts in bringing DENR programs closer to the people,” ani Moreno.
Ipinangako pa nito na ipagpapatuloy ng DENR Central Luzon ang kanilang pagbibigay ng napapanahon at tamang impormasyon tungkol sa kapaligiran at likas na yaman sa rehiyon.
Layunin ng “Earth Talk Central Luzon” na ipaalam sa publiko ang mga pangunahing programa ng DENR, makapagbigay ng karagdagang imporamasyon sa environmental issues at makakuha ng suporta sa mamamayan upang mapangalagaan at maprotektahan ang kapaligiran.
Ang Golden Dove Awards, na itinuturing na pinaka-prestihiyoso at pinaka-pinagkakatiwalaang award-giving body sa buong bansa, ay kumikilala sa mga radio at television stations, programs, personalities, public service announcements at promotional materials mula sa mga broadcasting companies na miyembro ng KBP.
Ang KBP ay isang non-government, non-profit organization ng mga broadcast media sa Pilipinas na mayroong 120 miyembro mula sa iba’t-ibang radio at television companies sa buong bansa. ###